Mag live-in pasaway sa quarantine kalaboso

Himas rehas ang inabot ng magka-live in matapos na mag-eskandalo nang sitahin ng mga tauhan ng barangay sa Malate, Maynila.

Kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa alarms and scandal at RA 11332 o sa deklarasyon ng State of Public Health Emergency ang mga suspek na sina Mc Gregor Romero, 31, at Rin Ramacula, 30.

Inaresto ang dalawa sa Leveriza Street corner Balingkit Street, Brgy. 711, Zone 78, Malate, dakong alas 4:15 kamakalawa ng hapon.

Sa imbestigasyon, una umanong itinurn over si Romero ng mga barangay official ng Brgy. 717 zone 71 sa kanilang mga kasamahan dahil sa palakad-lakad ito sa bisinidad dakong alas-3:40 ng hapon nang walang quarantine pass at pinayuhan na manatili sa kanilang bahay.

Dakong alas-4:15 ng hapon nang muling makita sina Romero na nasa labas na naman kaya sinundan ito ng kagawad at muling sinita. Sa puntong ito nagalit ang mag live-in at nag eskandalo sa lugar kaya inaresto na ito ng mga tanod.

Dinala ang dalawa sa istasyon ng pulis para imbestigahan at masampahan ng kaso sa Manila Prosecutors Office. (Juliet de Loza-Cudia)