Patay ang isang mag-lola nang makulong sa loob ng kanilang nasusunog na bahay sa 20-minutong sunog na naganap sa Barangay Caniogan, Pasig City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga biktima na sina Kristine Joy Caturan, 12, at lolang si Miraflor Aturan, 75, kapwa residente ng 18-A Kasikatan Street, Barangay Caniogan nang nasabing lungsod.

Ayon kay Fire Senior Inspector Anthony Arroyo, alas-10:57 ng gabi nang magsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng tahanan ng mag-lola sa 18-A Kasikatan Street, Barangay Caniogan.

Sunog ang mga katawan nang mga biktima nang matagpuan ang mga ito sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.

Tinangka pa umanong iligtas ang mga biktima sa pamamagitan nang pag-akyat ng bubong ngunit hindi na rin nasagip ang mga ito.

Umabot lamang ng unang alarma ang sunog at naapula matapos ang 20-minuto kaya’t wala nang iba pang bahay na nadamay.

Sinabi naman ni Fire Senior Inspector Arroyo, arson investigator ng Bureau of Fire Protection-Pasig (BFP), na posibleng napabayaang kandila ang pinagmulan ng apoy dahil limang taon na umanong walang kuryente sa bahay ng mag-lola.

“Limang taon nang walang kuryente. Sa se­cond floor lang nasunog, ‘di umabot sa first floor,” ani Arroyo.

Sa pagtaya ng mga imbestigador, umabot sa P600,000 ang halaga ng pinsala sa sunog.