Mag-tiyahin swak sa P110M shabu

Isang mag-tiyahin na hinihinalang miyembro ng drug syndicate ang naaresto sa buy-bust ope­ration ng mga tauhan ng District Anti Drugs Special Operation Task Group (DAID-SOTG) ng Southern Police District (SPD) at nakumpiska­han ng 22 kilo ng shabu na may market value na P110 milyon sa Makati City kahapon ng umaga.

Kinilala ni SPD Director Chief Supt. Tomas Apolinario ang mag-tiyahin na sina Maria Rosario Echaluce y Velasquez, 38 at pamangkin nitong si Angelo 19, kapwa naninirahan sa Brgy. Bilibiran, Binangonan Rizal.

Ayon kay Apolina­rio, dakong alas-10:30 ng umaga nang magsagawa ng buy-bust operation ang kanyang mga tauhan sa isang food court sa ABS Building Guadalu­pe, Makati City.

Isa sa mga tauhan ng DAID-SOTG ang nagpanggap na poseur buyer bibili ng isang kilo ng shabu sa halagang P1 milyon.

Nang aktong iaabot na ni Maria Rosario ang binibiling droga ay dito na ito dinakma ng mga nakaantabay na pulis kasama ang kanyang pamangkin na si Angelo.

Nasamsam sa mag-tiyahin ang 22 kilo ng high grade shabu na nagkakahalaga ng P110 milyon sa isang backpack.