Nauwi sa saksakan ang masayang inuman ng magkakaibigan makaraang isang lalaki ang sinaksak at bugbugin ng isang magkapatid sa Pandacan, Maynila kamaka­lawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Jonathan Ramil, 32-anyos, hospital staff, na isinugod sa Santa Ana Hospital sanhi ng tinamong saksak sa leeg.

Samantala, arestado ang mga suspek na si Belandro Bingay, 36-anyos, construction worker, at kapatid nitong si Ferdinand na nahaharap sa kasong frustrated murder at physical injury.

Base sa inisyal na im­bestigasyon, nakikipag-inuman ang suspek na si Belandro nang bumisita ang biktima sa bahay ng pinsan nitong si Hernand Delos Reyes na nagkuwento sa sinapit na panggugulpi sa kanya ng mga suspek.

“Naikuwento ko sa kanya kung paano ako ginulpi ng pinsan ko minsan. Pinagtanggol niya ako sa pinsan ko,” sabi ni Delos Reyes.

Makalipas ang ilang sandali ay nakitang nagtatalo ang biktima at si Belandro na humantong sa kalye ang pag-aaway.

Matapos ang insidente ay inaresto ng mga pulis si Belandro at habang isinusugod sa ospital ang biktima ay dumating ang ka­patid ng suspek na si Ferdinand at walang sabi-sabing sinuntok pa si Ramil.

Mahaharap sa kasong frustrated murder si Belandro habang physical injury naman ang haharapin ni Ferdinand.