Mag-utol na Chinese tinodas sa Lq

police-crime-dead-body

Patay ang magkapatid na Chinese national matapos pagbabarilin ng kanilang kababayan na nobyo ng isa sa mga biktima sa loob ng tinutuluyang condominium unit sa Carlos Palanca St., Quiapo, Maynila Martes nang hatinggabi.

Nagpakamatay naman ang suspek na kinilala sa pangalang Qui Shaojie, nasa 36-40 ang edad at sinasabing nakatira sa Blumentritt, Sta. Cruz, Maynila matapos tumalon sa ikalimang palapag ng Jose Reyes Memorial Medical Center dakong alas-3:26 nang madaling-araw.

Ayon kay ni P/MSgt. Jansen Rey San Pedro ng Manila Police District-Homicide Section, hindi pa nila batid ang mga tunay na pangalan ng mga biktima.

Nakilala pa lamang ang babaeng biktima sa alyas Ivy, nasa 35-40 ang edad, habang nasa 30-35 taong gulang naman ang kanyang kapatid na lalaki.

Dakong alas-12:25 nang hatinggabi nang madiskubre ang pamamaslang sa magkapatid na parehong may tama ng bala sa ulo.

Lumilitaw sa imbestigasyon na bago nadiskubre ang krimen ay tumawag pa si Ivy sa kaibigang si Zhirong Huang at nagsumbong dahil nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo ng suspek.

Gusto na umanong hiwalayan ni Ivy ang suspek pero ayaw pumayag ng nobyo.
Makalipas ang isang oras ay tinawagan ni Huang si Ivy sa cellphone pero hindi ito sumasagot.

Kinabahan si Huang kaya dakong alas-11:50 nang gabi ay inutusan ang kanyang mga store helper na sina Caisar Bagumbaran at Amerin Mahmod na puntahan si Ivy sa condo unit nito sa Gaisano Tower para alamin ang kalagayan ng kaibigan.
Inasistihan naman ng mga guwardiya ng condo ang mga helper ni Huang pero walang sumasagot at nagbubukas sa kanilang mga tawag at pagkatok sa pintuan ng unit nina Ivy.

Kaya nagpasya silang buksan na ang unit gamit ang duplicate key at doon tumambad sa kanila ang mga bangkay ng magkapatid.

Natukoy naman ang suspek matapos siyasatin ang mga kuha ng closed-circuit television (CCTV) sa lugar.

Ilang oras pa ang nakalipas ay namataan ang suspek ng mga nag­rorondang tanod sa Rizal Avenue kanto ng Remigio St. habang nagtatangkang laslasin ang kanyang pulso gamit ang matalim na bagay.

Isinugod ng mga tanod ang suspek sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) upang magamot pero habang nasa emergency room ay tumakbo umano ito patungo sa balkonahe ng ikalimang palapag ng ospital at tumalon.

Nasalo pa umano ang suspek ng scaffolding na ginagamit sa konstruksyon ng harapan ng JRMMC pero makalipas ang ilang oras ay namatay din ito.

Pinaniniwalaang kalibre .45 baril ang ginamit sa pamamaril sa magkapatid dahil nakakita ang mga awtoridad ng mga basyo ng bala nito sa crime scene. (Juliet de Loza-Cudia)