Mag-utol na woodpusher namayagpag sa Thai chess

Nagbigay ng karangalan sa bansa ang magkapatid na Jeremiah Luis at Daniella Bianca Cruz ng Malolos City nang magwagi sa magkahiwalay na kategorya sa katatapos na 2nd Pattaya Chess Club Open 2019 age group chess championships sa Bay Beach Resort sa Pattaya, Thailand.

Kampeon si Jeremiah Luis, 14, at grade 9 pupil sa City of Malolos Integrated School Sto. Rosario, sa boys Under 14 category sa nalikom na anim na puntos.

Kuminang naman si Daniella Bianca, grade 3 sa Co MISSR, sa girls Under-8 category nang ilista ang 5.5 markers.

Ang kampanya ng magkapatid na Cruz ay katas sa pagiging produkto nila ng Philippine Academy for Chess Excellence (PACE) program ni Grandmaster Jayson Gonzales.

Muling makikilatis ang magkapatid na Cruz sa Eastern Asia Juniors at Girls Chess Championships sa Disyembre 9-16 sa Lima Park Hotel sa Malvar, Batangas. (Elech Dawa)