Malubhang nasugatan ang magkapatid na lalaki matapos pagbabarilin habang natutulog sa gilid ng kalsada sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang mga biktimang sina Rudy at Ramil Fernandez, kapwa basurero na agad na isinugod sa Tondo General Hospital dahil sa tinamong tama ng di mabatid na kalibre ng baril.

Ayon sa ilang residente, dakong alas-dos ng madaling-araw nang makarinig ng limang putok ng baril kung saan natutulog ang mga biktima sa gilid ng Mata St. sa Tondo at kasunod ng pangyayari ay naispatan ang dalawang lalaking nakamotorsiklo at nakamaskara na mabilis tumakas.

Samantala, kinumpirma ni Eric Simbiling, chairman ng Brgy. 108 Zone 9, na gumagamit ng droga ang mga biktima pero hindi sumuko ang mga ito sa ‘Oplan Tokhang’.

Labas-masok din ang mga biktima sa kulungan dahil sa mga kaso ng pagnanakaw at droga.

Gayunman ay patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang posibleng moti­bo at kung sino ang nasa likod ng pamamaril sa magkapatid.

One Response