Mag-uutol, 5 pa dinampot sa drug den

Teenager na runner ng droga nadakma

Kabilang ang tatlong magkapatid sa walong inaresto ng mga awtoridad matapos na mahulihan ng 12 gramo ng shabu sa sinalakay na drug den diumano sa Quezon City, Sabado ng hapon.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director Police Brig. Gen. Ronnie Montejo ang magkakapatid na sina Luisito Cardiel alyas ‘Mona’, 49; Vicente Cardiel alyas ‘Enteng’, 54; at Christopher Cardiel alyas ‘Boss’, 35.

Kasama rin sa mga ina­resto sina Marvin Pergis alyas ‘Mata’, 43; Patrick Aquino alyas ‘Eshong’, 22; Rodrigo Delas Alas alyas ‘Diego’, 52; Robert Dela Cruz alyas ‘Bolone’, 37, pawang nakatira sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City; at Susan Itioses, 43, taga-Caloocan City.

Nasakote sila ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency at Station Drug Enforcement Unit ng QCPD Talipapa Station 3 sa pamumuno ni Police Lt. Col. Benjamin Gabriel Jr.

Bitbit ng mga operatiba ang search warrant na inis­yu ni Executive Judge Lyn Ebora-Cacha ng Quezon City Regional Trial Court Branch 82 at sa bisa nito ay hinalughog ang isang bahay sa Sitio Maligaya Compound sa Brgy. Bahay Toro.

Sa paghalughog sa bahay nakasamsam ang mga awtoridad ng 12 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P81,600 at mga drug paraphernalia kaya binitbit ang mga nabanggit na suspek.

Nakakulong na sila ngayon sa PDEA detention facility habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanila dahil sa paglabag sa Comprehensive Dange­rous Drugs Act of 2002. (Dolly Cabreza)