Sama-sama ngayon sa kulungan ang magkakapamilya na kabilang sa 50 suspek sa droga na naaresto ng Quezon City Police District (QCPD) sa magkakahiwalay na anti-illegal drug at anti-criminality operation sa nakalipas na magdamag.

Ayon kay QCPD director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., dakong alas-nuwebe ng gabi nang masakote sa buy-bust operation ng Masambong Police Station 2 ang magkapatid na Jocelyn Versoza, 46-anyos, at Zenaida Versoza, 44, sa Sitio Pajo, Brgy. Baesa kasama ang dalawa pang suspek na sina Rene Boy Brutas, 31, at Carolina delos Reyes, 51.

Nahulihan sila ng limang pakete ng shabu at nabawi rin ang buy-bust money.

Dakong alas-11:15 ng gabi nang maaresto naman ng Talipapa Police Station 3 ang magkapatid na Joseph Gordo, 35-anyos, construction worker, at John Carlo Gordo, 26, sa lugar ng mga ito sa Espiritu Compound, Brgy. Pasong Tamo at nahulihan ng tatlong pakete ng shabu.

Nadakip naman ng Batasan Police Station 6 ang mag-asawang Rodante Lopez, 52-anyos, at Jocelyn Lopez, 58, sa Brgy. Payatas dakong alas-5:40 ng hapon kasama ang mga suspek na sina Vilmar Domingo, 26; Philip Roy Lobo, 38; Aristotle Teodoro, 34; at Fernando Guardino, 34.

Siyam na pakete ng shabu ang narekober sa kanila at nahulihan din ng mga drug paraphernalia.

Bukod sa kanila, naaresto rin ng mga awtoridad ang may 38 pang suspek sa droga sa magkakasunod na operasyon ng QCPD.