Magaan na ensayo

Pinasarado na muna ang dalawang sports facility na nasa Metropolitan Manila, na tahanan din ng maraming mga national athlete.

Ang mga ito ay ang Rizal Memorial Sports Complex na nasa Malate, Manila at ang PhilSports Complex (dating Ultra)sa Oranbo, Pasig.

Kasunod kasi ito sa patuloy na paglaki ng bilang ng mga namamatay at nahahawa ng coronavirus disease o COVID-19 outbreak sa bansa, lalo na sa Metropolitan Manila.

Pagtalima ang hakbang ng Philippine Sports Commission (PSC) sa atas ng Palasyo ng MalacaƱang na habang tinitipa ko po kahapon ito ay nagpupulong pa rin ang Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Disease (IATF-EID) hinggil sa susunod na hakbang para makontrol ang COVID-19 pandemic.

May memo na nakatakdang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa balak ng IATF-EID na Wuhan-style lockdown upang mapigilan ang nakamamatay na sakit.
Sa panig ni PSC Chairman William Ramirez, pinauwi na muna niya sa kani-kanilang mga pamilya ang mga atleta o manlalaro para sa proteksyon nila at ng kanila na ring mga pamilya.

Pero dahil sa gahol na sa oras ang ilan, may mga napilitang magpaiwan na lang sa RMSC at PSC. Sila ang mga hindi nakabili ng ticket sa eroplano na mga taga-Visayas at Mindanao.

Bilang pagtangkilik sa kanila ng government sports agency, kinupkop pa rin sila sa nasabing mga pasilidad na may libre na lahat. Mula sa matutuluyan, pagkain, gamot, at iba pa.

Tama naman ang ginawa ng PSC.

Sa aking pananaw naman, kung magka-total lockdown na sa Metro o kahit nationwide pa, siguro kailangan pa ring gamitin ng athletes ang pagkakataon para panatilihin ang kanilang mabuting pangangatawan.

Maski nasa Rizal at PhilSports, pati sa mga nasa lalawigan na o sa mga nakauwi sa kanilang mga pamilya, kahit 3-4 na beses kada linggo, mag-light workout o light training pa rin. Malay natin bumuti rin ang lahat.

Dapat manalangin tayo sa Poong Maykapal na matapos na ang virus outbreak, mabalik sa normal ang lahat at matuloy ang 32nd Summer Olympic Games sa Tokyo, Japan sa Hulyo 24-Agosto 9.