Magagalit ang mga tao

Bernard Taguinod

Hindi masamang gawing state witness si Janet Lim-Napoles kung bubuksan muli ng Department of Justice (DOJ) ang pork barrel scam na karamihan ay nangyari noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Ang tawag kay Aling Janet ay “pork barrel queen” dahil nakuha nito ang malalaking account sa priority development assistant funds (PDAF) ng mga pulitikong nabigyan ng pork barrel noong panahon ni Mrs. Arroyo.

Tiyak na marami siyang alam at marami pang impormasyon na posibleng maibigay ni Napoles para mahabol ‘yung mga sinasabing nailigtas nang habulin ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang mga nakinabang sa scam sa pork barrel.

Pero tututulan ng sambayanang Filipino kung ang kapalit ng pagtestigo ni Mrs. Napoles ay maabsuwelto ito sa kanyang mga kasong plunder o kaya bigyan ng presidential pardon kapag nasentensyahan siya ng anti-graft court sa nasabing mga kaso.

Kung noong binaliktad ng Court of Appeals (CA) ang sentensya kay Napoles sa kanyang kasong serious illegal detention na isinampa ng kanyang kaanak na si Benhur Luy eh bayolente ang reaksyon ng taumbayan, isipin niyo na lang kapag naabsuwelto siya sa kanyang kasong plunder.

Tandaan niyo na mas maraming plunder case ang kinakaharap ngayon ni Mrs. Napoles kesa sa mga pulitikong nakasuhan ng nasabing kaso na walang piyansa. Tatlo ang plunder case n’ya habang tig-iisa naman sina dating Sens. Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon “Bong” Revilla Jr.

Hindi papayag ang mga tao na maabsuwelto ang taong inaakusahang dahilan kung bakit hindi ­nakarating sa kanila ang mga proyektong pinondohan ng gobyerno na mula sa buwis na ibinayad ng mamamayang Filipino.

Baka ang mangyayari sa susunod eh magnakaw na lang sila ng magnakaw at kapag nahuli makikipagkasundo sa susunod ng gobyerno para sila ay kumanta ng kumanta at ang kapalit ay kalayaan at magpapakasasa sa bawat sentimo na ninakaw sa bayan.

***

Nakakatuwa na umaarangkada ang mga infra projects, hindi rito sa Metro Manila kundi sa mga probinsya dahil nakikita natin kung saan napupunta ang ating buwis.

Pero ang mga proyektong nakikita natin ay mga sinimulan ng Aquino administration at nakakatuwang isipin na malapit nang matapos ang mga ito at makatulong na sa pagluwag ng trapiko sa Metro Manila.

Marami sa mga proyektong ito ay sinimulan ng nakaraang administrasyon pero hindi lang masyadong na highlight at hindi agad natapos dahil halos lahat ay ginawa sa huling mga taon ng Aquino administration.

Pero mas nakakatuwa sana kung may makikita tayong nagtatrabaho ng 24-oras sa mga infra projects na ito para matapos agad lalo na’t mayroon pang mga pinaplanong mga proyektong gagawin tulad ng subway na pangarap ng lahat.

Nagagawa ng ibang bansa ang 24-oras na trabaho, tatlong shift kada araw kaya puwede ring gawin ng Pilipinas hindi tulad ngayon na binabakuran na agad ang mga lugar na pagtatrabahuan pero wala namang nagtatrabaho.

Dapat siguro, ang mga private contractor sa mga proyektong ito ay magmadali rin dahil makikinabang naman sila kapag natapos agad ang trabaho nila. Mas madaling magawa, mas maliit ang gastos sa mga construction worker. (dpa_btaguinod@yahoo.com)