Sa pagkakalipat ni da­ting Quezon City Police District Director Guil­lermo Eleazar sa Region 4A ay nabahala tayo sa pag-aakalang hindi na ako makakarinig ng mga accomplishment ng napakahusay na dating pinuno ng kapulisan ng QCPD.

Ang hepe ng QCPD na talagang bukambibig ng karamihan dahil sa napakaraming kabutihang nagawa para mawala ang masasamang loob lalo na ang mga sangkot sa iligal na droga sa Quezon City.

Pero nagkamali ako dahil kahit nasa probinsiya na si General ay pumuputok pa sa Metro Manila ang sunod-sunod niyang accomplishment sa Region 4A, isang patunay na kahit saan italaga ng liderato ng PNP ang isang katulad ni Gen. Eleazar ay mararamdaman ng taumbayan ang kanyang galing sa pamumuno.

Katulad na lamang nu’ng nakaraang linggo, umaabot sa 765 armas ang nasamsam sa Region 4A at siyempre nagawa ito sa inisyatibo ng Hene­ral bilang pagpapatupad sa gun ban dahil sa magaganap na barangay at SK elections ngayong araw.

And take note, nanguna ang Region 4A ni Gen. Eleazar sa mga rehiyong nagprisinta ng loose firearms na nasamsam sa panahon ng gun ban.

Sa kabuuang bilang na 765, nasa 638 armas ang kusang-loob na isi­nurender sa Region 4A na isang patunay na nagtitiwala sila sa liderato ni Gen. Eleazar.

Kaya naman sa panig ng Heneral, masaya ito dahil sa ipinamalas na pagtitiwala agad-agad sa kanya ng mamamayan ng Region 4A.

Sabagay nga naman kung hindi ka bilib sa isang pinuno ay hindi ka makikisama.

Pero sa ipinakita ng mga nagsuko ng kanilang armas, ipinamalas nilang nagtitiwala sila sa lide­rato ni Gen. Eleazar at suportado nila ang inaasam na katahimikan sa kanilang mga lugar.

Sa kabila nang pakikipagtulungan ng ilang mamamayan sa Region 4A sa masigasig na si Gen. Eleazar, naniniwala pa rin naman ang Hene­ral na mayroon pa ring mga pasaway sa batas.

Gayunman ay kumpiyansa ang Heneral na kakayanin niyang mapakiusapan ang mga matitigas ang ulo.

Upang higit na mapalapit sa tao ay ini­lunsad nitong Mayo 10, 2018 ni Gen. Eleazar ang hotline system para ma­bigyan ng pagkakataon ang ordinaryong mamamayan na makapagsumbong o makapaghatid ng anumang impormasyon direkta sa Heneral at sa pulis ng Region 4A.

Ito ay ang ‘Pulis na Abusado Pusher na Pang-Asar… Agad i-Text Mo kay Gen. Eleazar’ ang tema ng hotline system kung saan may magagamit na dalawang numero ang mamamayan para maabot si Gen. Eleazar.

Mas madali ani Gen. Eleazar maaabot ang mga pusher, durugista at mga tiwaling pulis sa pamamagitan ng text hotline.
Dahil hindi man natin malagyan ng pulis ang bawat kalsada at kanto ng rehiyon ay para na rin nakapagtalaga ng mga detektib sa bawat kalsada at kanto dahil sa hotline.