tonite-no-thanks-cristy-fermin

Maraming katrabaho niya ang nakikisimpatya sa isang pamoso at magaling na aktor na mula nu’n hanggang ngayon ay kaisa-isang inaasahan pa rin ng kanyang pamilya.

Nu’ng binata pa siya ay halos kinalimutan na niya ang kanyang sarili para lang maging maayos ang estado ng kanyang pamilya. Siya ang tumatayong haligi, siya ang buslong pinagkukunan ng kabuha­yan, siya ang sumasagot sa lahat-lahat.

Kuwento ng isang source, “Halos hindi nga niya na-enjoy ang kabataan niya dahil maaga siyang inasahan ng family niya. Maghapon at magdamag siyang kuma­kayod na hindi lang naman para sa kanya kundi para sa mga taong umaasa sa kanya.

“Imagine, binigyan niya ng puhunan para magnegosyo ang mga kapatid niya. Maganda na nga naman ‘yun, hindi na siya masyadong maoobliga sa pagbibigay ng datung, pero ano ang nangyari?

“Pinabayaan lang nila ang business na itinayo nila, kay ____(pangalan ng sikat at magaling na aktor) pa rin sila umaasa, nakakaawa naman ang taong ‘yun,” napapailing na komento ng aming impormante.

Ang masakit pa, sa halip na pasalamatan siya ng kanyang pamilya ay marami pang pintas ang mga ito, siya pa ang kapos at masama sa bandang huli.

“Ang dami-dami nang nagpapayo sa kanya na disiplinahin ang mga kapatid niya. Tiisin daw niya para matuto sa buhay. Pero hindi pa rin niya magawa ‘yun, hindi niya kayang tiisin ang mga mahal niya sa buhay.

“Hanggang nga­yong may sarili na siyang pamilya, e, sa kanya pa rin umaasa ang lahat. Mabuti na lang at understanding at mabait ang wife niya. Naku, kung isang maramot na babae lang ang napangasawa niya, e, siguradong nganga na ang pamilya niya!

“Sana lang, e, maintindihan din nila na hindi naman Pasko everyday, may mga panahon ding walang pro­jects ang male persona­lity. Kapag nangyari ‘yun, e, saka lang nila maiisip na sayang na sayang ang mga biyayang ipinagkakatiwala sa kanila,” pagtatapos ng aming source.
***

Bong markado ang Pasko

Pagkatapos ng Pasko ay meron pa rin tayong kaila­ngang paghandaan. Ang Bagong Taon naman na ayon sa marami nating kababayan ay mas magastos dahil sa kulturang pinahahalagahan natin sa tuwing maghihiwalay ang taon.

Mga paputok para mas umingay at maging mas mabiyaya ang buong taon. Mga prutas na bilog bilang pampasuwerte. At marami pang ibang nakaugalian na natin tuwing pumipitada ang New Year.

Pinakamaligayang pamilya ngayong Pasko ang mga Ejercito at Revilla. Pagkatapos nilang magpalipas ng Pasko at Bagong Taon sa PNP Custodial Center sa loob nang mahigit na apat na taon ay buung-buo ang kanilang mga mahal sa buhay ngayon.

Nauna nang nag-Pasko sa labas si dating Senador Jinggoy Estrada nu’ng nakaraang taon, pero si dating Senador Bong Revilla ay ngayon pa lang, kaya markado sa aktor-pulitiko ang pagsasama-sama ng kanyang buong pamil­ya ngayon.

Malaking pamilya pa naman ang mga Revilla. Mula kay Tito Ramon Revilla, Sr., hanggang sa kanyang mga kapatid, anak at apo ay kapiling ngayon ni Senador Bong.

Malaking paninibago ang kanyang pinagdadaanan nga­yon. Wala nang mga camerang nakatutok sa kanya pero paminsan-minsan ay nabibitiwan pa rin ng aktor ang kanyang cellphone.

Mahigit na apat na taon ba naman siyang pinagbawalang makitang may hawak na telepono, talagang maninibago siya ngayon sa buhay na laya, nagugulat pa rin siya dahil iba na pala ang takbo ng buhay niya ngayon.

Isa sa mga na-miss ni Senador Bong ang paggawa ng pelikula tuwing Disyembre, ‘yun kasi ang paraan niya ng pasasalamat sa mga kababayan nating tumatangkilik sa kanyang karera, apat na taon na siyang hindi lumalahok sa MMFF.

Tuloy ang kanyang laban sa susunod na eleksiyon bilang senador. Pareho sila ng kaibigan niyang karnal na si Senador Jinggoy na mag-iikot para hingin uli ang pagtitiwala ng ating mga kababayan.