Mas kapani-paniwala umano ang sinasabi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong kaysa kay Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde, ayon kay Senador Ri­chard Gordon.

“Magalong was tel­ling the truth,” pahayag ni Gordon nang tanungin ng mga reporter kung sino sa dalawa ang mas nagsasabi ng katotohanan tungkol sa anti-drug operation ng mga tauhan ni Albayalde sa Mexico, Pampanga noong 2013.

Sa pagdinig sa Senado noong Martes, sinabi ni Magalong, dating chief ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na imposibleng walang alam si Albayalde kaugnay ng ‘agaw-bato’ scheme ng kanyang mga da­ting tauhan kung saan ni-recycle umano nito ang nakumpiska nilang droga.

Ayon naman kay Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, magtagal na umano niyang kilala si Magalong at hindi aniya matatawaran ang integridad nito bilang isang police officer.

Naniniwala naman si Senate President Vicente Sotto II na walang dahilan para magbitiw sa puwesto si Albayalde sa pagkakadawit sa ‘ninja cops’.

Tahasan namang sinabi ni Magalong na wala siyang galit kay Albayalde, “Wala akong sama ng loob kay Gen. Albayalde, kung ano lang ang issue ay doon lang ako. Kung ano ang sinabi ko ‘yun ang alam kong totoo,” sabi pa nito. (Dindo Mati­ning/Allan Bergonia)