Nakatanggap umano ng death threat si Baguio City Mayor Benjamin Magalong matapos nitong isiwalat sa mga senador ang pangalan ng mga pulis na nagre-recycle ng iligal na droga.

Sinabi ni Senador Richard Gordon na nakausap niya si Magalong at kinumpirma nitong naghigpit siya ng seguridad gayundin sa kanyang pa­milya matapos ang kanyang expose.

“Sabi niya sinecure na niya family niya,” wika ni Gordon sa isang programa sa DWIZ.

Handa naman ang Senado na magbigay ng karagdagang security kay Magalong kung hihilingin ito ng alkalde, ayon kay Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson.

“Kung magre-request siya sa Se­nate we may provide, augmentation man lang. Mayor naman siya, meron siyang security detail palagay ko sa Baguio. Pero kung mag-request siya at kakayanin ng Senate pag-uusapan namin ‘yan. Pero malamang bibigyan namin siya kung mag-request,” saad ni Lacson.

Tiwala naman si Lacson na kayang pangalagaan ni Magalong ang kanyang sarili dahil kilala niyang ma­tapang at may paninindigan ang da­ting hepe ng Criminal and Investigation Detection Group ng Philippine National Police.

“Kaya naman ni Gen. Magalong i-defend ang sarili niya at alam niya ang pinapasok niya nang siniwalat niya ‘yan. And I’m sure he’s ready for anything. Kilala ko ‘yan, mala­kas ang loob, matapang ‘yan at may prinsipyo,” dagdag ng senador.

Haharap sa pagdinig ng Senado si Magalong ngayong Martes, Oktubre 1, kasama ang mga ‘ninja cops’ na pinangalanan niya sa executive session ng Senate committee on justice and human rights at blue ribbon committee.