Umaani ng suporta ng panukalang gawing tourist hub ang Marawi City sa sandaling matapos ang nangyaya­ring kaguluhan sa lungsod na dulot nang pag-atake ng teroristang grupong Maute.

Ang ideyang gawing tourist hub ang Marawi City ay unang inilutang ni Senador Richard Gordon na nakilala sa larangan ng turismo dahil sa Subic at sa sumikat na Wow Philippines noong ito ang tumatayong kalihim ng Department of Tourism (DOT).

Kaagad na kinagat ng DOT ang ideya at maging ang Palasyo ng Malacañang ay susog sa panukala.

Sa katunayan ayon sa DOT ay nasa proseso na ang tanggapan ng pag-draft ng plano sa turismo sa lungsod.

Dahil din sa panukala, umaasa ang Malacañang na maging saklaw sa gagawing rehabilitasyon ng Marawi ang paglikha ng tourism master plan for the area.

Sang-ayon tayo sa magandang hangaring ito ng gobyerno para sa Marawi dahil malaking tulong talaga ang idudulot sa mga residente ng Marawi sakaling ma­ging tourism hub ang kanilang lungsod.

Pero sana bago umarangkada sa ideyang ito, baka maaring tiyakin munang mabuti ang seguridad ng lungsod dahil mas malaking problema ang idudulot nito.

Ang sa amin, hindi mahirap manghikayat ng turista pero kailangang isaalang-alang ang kaligtasan ng lugar dahil ang safety ng lugar bukod pa sa magagandang tanawin at mababang gastos sa biyahe ang pangunahing tinitingnan ng mga turista.

Kaya sana bago pag-ilusyunan na gawing tourism hub ang Marawi, baka pupuwedeng siguruhin ang kaligtasan, kaayusan, kapayapaan ng lungsod muna ang bigyang pansin.