Magbabanta sa buhay ni Duterte aarestuhin- PSG

Nagbabala ang Presidential Security Group (PSG) na aarestuhin ng mga awtoridad ang lahat nang magbabanta sa buhay ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“As we fight this pandemic, may we choose to utilize social media platforms to make useful contributions and not violate any law in expressing personal views and opinions,” sabi ni PSG chief Jesus Durante sa statement.

Ayon sa PSG, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga law enforcement agency para i-monitor at hulihin ang sinumang gagawa ng nasabing paglabag sa batas.

Noong Martes, inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) at kinasuhan ng sedition ang isang public school teacher na si Ronnel Mas makaraang mag-alok ng P50M pabuya sa sinumang makakapatay kay Duterte.

Sinundan pa ito ng construction worker na si Ronald Deliaba Quiboyen na hinuli sa Malay, Aklan matapos ilagay sa Facebook ng P100M reward sa `kill Duterte’ post. (Prince Golez)