Nagbabala kahapon ang pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa publiko laban sa pagbibigay ng limos.
Sinabi ni NCRPO chief Director Guillermo Eleazar na mayroong umiiral na batas ukol dito at ito ay ang Anti-Mendicancy Law.
Sa ilalim ng nasabing batas ay may katapat na parusa ang mga magbibigay ng limos.
“May batas po tayo sa mga ganyang insidente, ‘yung mismong ang nagbibigay po ang mananagot o may kasalanan kaya dapat po ay malaman ito ng ating mga kababayan na bawal po ang magbigay ng limos,” pahayag ni Eleazar.
Sinabi pa ni Eleazar na layon ng batas na ito na maiwasan ang pagkalat ng mga namamalimos sa kalsada.
Sa kasalukuyan ay patuloy na nakikipag-ugnayan ang NCRPO sa mga barangay at iba pang ahensiya ng pamahalaan para mailigtas ang mga kabataan na nanlilimos sa lansangan na maaaring maging peligro sa kanilang buhay.
Inaalam din ng NCRPO kung may mga kumikilos na sindikato na gumagamit ng mga kabataan para mamalimos lalo na ngayong Christmas season.