Magbiyenan gunrunner at pusher patay sa Bulacan

Kapwa nasawi ang isang gunrunner at ang kanyang biyenan na sangkot din umano sa illegal drugs makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya na maghahain sana ng search warrant laban sa kanila sa Sitio Manilao, Brgy. Bulualto, San Miguel, Bulacan kamakalawa.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang gunrunning suspect na si Jeffrey Sanchez y Masilang, na No. 8 umano sa target drug personalities sa Gapan City, Nueva Ecija at ang kanyang biyenang si Guil­lermo dela Cruz, kapwa nakatira sa Brgy. Bulualto.

Base sa ulat ng tanggapan ni Supt. Joel Estaris, hepe ng San Miguel Police, bandang alas-8:10 ng umaga nang maghain ng search warrant ang pinagsanib na operatiba ng kanilang istasyon at Regio­nal Intelligence Unit 3 sa tinitirhan ng magbiyenan kaugnay ng kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act subalit nanlaban ang mga suspek na nauwi sa shootout.

Nasamsam din sa mga suspek ang isang caliber .45 revolver, dalawang caliber .38 revolver, isang Armscro 12-gauge shotgun, isang caliber 9mm, KG9 pistol, caliber .22 airgun na may teleskopyo, M26 fragmentation grenade, mga bala, shabu at drug pa­raphernalia.