Magbiyenan tinodas ng 3 naka-face mask

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang 73-anyos na lola at ang kaniyang manugang ng tatlong armadong kalalakihan na pumasok sa kanilang tahanan sa Barangay Commonwealth, Quezon City, Miyerkules ng gabi.

Idineklarang dead on arrival sa Diliman Doctor’s Hospital ang mga biktimang si Mel Banzuelo, 40, at ang kaniyang biyenan na si Jerita Jaquen, 73-anyos, kapwa residente ng Bicol Leyte Street ng nasabing barangay.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), naganap ang ang insidente alas- 9:40 ng gabi (Abril 22), sa loob ng tahanan ng mga biktima.

Ayon sa pulisya, nakikipag usap ang biktimang si Mel sa kaniyang anak nang bigla silang pasukin ng tatlong armadong kalalakihan na pawang nakasuot ng facemask at sunud-sunod na nagpaputok ng baril.

Agad namang nakatakbo at nakapagtago si Meryl, subalit tinamaan ng ligaw na bala ang senior citizen na noon ay nasa kahimbingan na nang pagkakatulog.

Matapos ang pamamaril ay naglakad lamang papatakas ang mga suspek bitbit ang armas na ginamit habang isinugod pa sa ospital ang mga biktima subalit kapwa idineklarang dead on arrival.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa nangyarin pamamaril. (Dolly B. Cabreza)