Nahaharap sa kasong abortion ang 22-anyos na babae at boyfriend nito na empleyado ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos na magkaroon ng kumplikasyon ang una nang ipalaglag ang apat na buwan sanggol sa kanyang sinapupunan noong Biyernes ng gabi.

Nakaratay ngayon sa Ospital ng Sampaloc, ang suspek na si Analiza Narce, 22, massage therapist ng 66 B2 Loreto St. Sampaloc, Maynila.

Habang hindi pa lumulutang sa pulisya ang nobyo nitong si Rommel Abinal, 39, LTFRB agent, at taga-Tangerine St. Marikina City.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Jonathan Bautista, ng Manila Police District (MPD)-homicide section, nangyari ang pagpapalag­lag ng suspek noong Setyembre 9 alas-tres ng hapon sa isang bahay sa Craig St. Sampaloc, Maynila.

Nabatid na noong Setyembre 11, isinugod si Narce ng kanyang land lady na si Genalyn Machon matapos dumaing na nilalagnat siya at humingi ito ng tulong na madala sa pagamutan.

Sa ospital nalaman ni Machon sa doktor na nagpa-abort si Narce at naimpeksiyon ito kaya siya nilagnat at nanganganib ang buhay kung hindi raraspahin.

Inamin naman ni Narce kay Bautista na apat­ na buwan siyang buntis at nakumbinsi siya ni Abinal na ipalaglag ang kanilang anak dahil may-asawa ito at hindi siya maaring pakisamahan.

Sinabi ni Narce na isang babae, ang kanyang nakilala at binigyan siya ng numero ng makakatulong daw sa kanya at nang tawagan niya nagkasundo silang magkita sa Quiapo at doon ay dinala siya sa isang bahay sa Craig St. Sampaloc at muli siyang nagbayad ng P6,000 para umano sa nurse na magsasagawa ng abortion.

Kinabukasan, umuwi na siya sa inuupahang bahay pero nung sumundo na araw ay nilagnat na si siya kaya nagpasugod na sa pagamutan.