Sinamsam ng mga awtoridad ang sangkaterbang alcohol na nakasilid pa karamihan sa mga container at plastic gallon matapos arestuhin ang isang mag-live in na sangkot sa iligal na pagbebenta ng nasabing disinfectant sa Valenzuela City noong Biyernes, Marso 27, ng hapon.

Kinilala ang mga suspek na sina Ricky Deliva Dacillo, 44, checker, at Leonila Chua, 40, sekretarya, parehong nakatira sa Melchor St., Pacheco Village, Balubarang, Valenzuela City.

Nabatid na isinailalim ang mga suspek sa entrapment operation ng pinagsanib na mga operatiba ng National Capital Region Police Office-Regional Special Operations Group (NCRPO-RSOG) at Valezuela City Police batay sa impormasyong sangkot ang mga ito sa hoarding at profiteering ng mga disinfectant antiseptic alcohol.

Nalaman din sa beripikasyon sa Business Permit and Licensing Office ng Valenzuela City na walang pahintulot ang mga suspek para magbenta ng alcohol.

Kabilang sa mga nasamsam sa lugar ng mga suspek ang 179 container na naglalaman ng tig-2 litro ng alcohol; 168 gallon na may tig-3.6 litro; 63 gallon na may tig-isang litro; 4,000 plastic bottle na tig-25ml ng alcohol ang laman; at tatlong drum na naglalaman ng tig-200 litro ng isang brand ng alcohol.

Umabot sa P655,324.50 ang kabuuang halaga ng mga nasamsam na alcohol.

Binitbit ang dalawang suspek gayundin ang mga nakumpiskang ebidensya laban sa kanila sa Station Investigation Unit ng Valenzuela City Police Station para sa pagsasampa ng demanda.

Ipaghaharap sila ng mga kasong paglabag sa Republic Act o. 7581 dahil sa hoarding at profiteering gayundin sa RA 911 o Food and Drug Administration At of 2009 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

Samantala, hinimok naman ni NCRPO director Major General Debold Sinas ang publiko na isumbong ang mga nagsasamantala sa kinakaharap na krisis ng bansa sa pamamagitan ng `Isumbong Mo Sa Team NCRPO’ hotlines 0999-901-8181 o 0915-888-8181. (Armida Rico)