Magdyowa niratrat ng tandem sa Tondo

riding-in-tandem

Nasawi ang isang magkasintahan nang harangin at pagbabarilin ng riding-in-tandem habang naglalakad pauwi galing sa lamay sa Balut, Tondo, Maynila, Linggo ng umaga.

Kinilala ni PCpl. Camilo Ross Cunanan ng Manila Police District-Homicide Section, ang mga biktima na sina Rina Lopez, 22, at Jairius Gerard Palacio, 33, mga nakatira sa Gagala­ngin, Tondo.

Nangyari ang krimen bandang alas-5:43 ng madaling-araw sa panulukan ng Rodriguez at Nepa Street sa Balut.

Kagagaling lang umano ng magkasintahan sa isang burol kung saan nanalo sila sa sugal. Habang naglalakad pauwi ay bigla silang hinarang at pinagbabaril ng dalawang suspek na magkaangkas sa hindi naplakahang motorsiklo at pinagbabaril.

Sinabi ni Cunanan na batay sa pahayag ng mga kaanak ng magdyowa, wala namang kaaway ang mga ito kaya blangko pa ang pulisya sa motibo ng pamamaslang sa kanila.

Nabatid pa na nanalo ang biktimang si Lopez, na isa umanong professional gambler, ng P20,000 sa kanilang pagsusugal pero malabo umanong holdap ang motibo ng krimen dahil hindi naman kinuha ng mga suspek ang pera. (Juliet de Loza-Cudia)