Kulungan ang bagsak ng 30-anyos na lalaki at girlfriend nito nang madakip sa buy-bust operation Bulacan kamakalawa ng madaling-araw.

Kinilala ang mga inarestong sina Jhem Camua at Jaylyn De Guzman, 28 kapwa nasa drug watch list ng Guiguinto Municipal Police Station.

Nabatid na pasado ala-una ng madaling-araw nang magkasa ng buy-bust operation ang pinagsanib na puwersa ng Guiguinto at Bulacan Police sa Brgy. Sta. Rita, Guiguinto kung saan lulan ang magdyowa saToyota Innova na may plakang CAT 3472 nang magbenta ng shabu sa undercover agent.

Nakumpiska sa magkasintahan ang dalawang pakete ng shabu na may timbang na sampung gramo na nagkakahalaga ng P80,000 bukod pa buy-bust money at ang sasakyang ginagamit sa pagtutulak ng droga at nakumpirmang dati ng drug surrenderee ang dalawang suspek ngunit muling nagsagawa ng iligal na operasyon at matapos ang week-long surveillance ay nakorner na ng awtoridad sa anti-illegal drug operation.

Sa kabila ng pagbabantay ng pulisya sa mga checkpoint dahil sa pandemic, nananatili pa rin umano ang kampanya nila sa iligal na droga at iba’t ibang krimen. (Jun Borlongan)