Maghanda sa matinding pagbaha

Nagsisimula pa lang ang tag-ulan at ayon sa PAGASA,­ maaaring marami pang malalakas na bagyo ang pumasok sa ating bansa. Posible na ang mga lugar na dati ay hindi binabaha ay maaaring makaranas nito.

Nangyayari ang baha o floodings sa pagtaas ng tubig nang higit sa kapasidad ng ilog at ibang daluyan na ang resulta ay pag-apaw nito sa kapatagan. Dulot ng labis na pag-ulan, biglaang pagbuhos ng ulan o thunderstorm, pagkaipon ng tubig dahil sa pagbabara ng mga daluyan ng tubig, at tuluy-tuloy na pag-ulan sa loob ng mahabang oras.

Kaya mali na sabihin natin na kapag umuulan, ang baha ay tantiyado natin kung hanggang saan lang aabot. Marami na ang nagsabi ng “Ngayon lang nagyari sa amin ito, hindi naman ganyan kalalim ang tubig-­baha dati kahit malakas ang ulan.”

Dapat din nating paghandaan ang flashfloods. Ang rumaragasang agos ng tubig na may kasamang banlik, putik, bato, kahoy, at iba pa. Mabilis ang pagdating nito at mabilis din ang paghupa. Maaaring sanhi ito ng pagkakalbo ng bundok at kagubatan.

Ang mga dapat gawin bago ang pagbaha. Una, ­alamin ang warning system at signal sa inyong ­barangay o munisipyo; obserbahan ang sitwasyon ng lugar at makinig sa ulat ng panahon mula sa PAGASA.

Pakinggan ang opisyal na warning signal. Ihanda ang mga pangunahing kakailanganin sa paglikas tulad ng damit, kumot, pagkain, maiinom na tubig, gamot, posporo, kandila, flashlight, radyong de-baterya, banig, at iba pa. Maiging nakabalot ang mga ito sa plastik.

Itago o ilagay sa plastik ang mga mahahalagang dokumento at papeles. Mag-imbak na ng malinis na inuming tubig. Siguraduhin na magkakasama ang lahat ng miyembro ng pamilya at ihanda ang bawat isa sa anumang mangyayari.

Alamin din ang pinakamalapit na evacuation center at ang pinakamalapit na daan patungo rito. Maghintay sa warning signal na ibibigay ng kagawad tungkol sa paghahanda sa paglikas at sa mismong paglikas.

Ang Barangay Disaster Coordinating Council (BDCC) ay dapat maghanda ng kanilang gamit tulad ng malalaking flashlight, radyong de-baterya, warning device (megaphone, pito, kalembang), mga matitibay na lubid, first aid kit, sasakyang may sapat na gasolina para sa mabilis na paglikas at pakikipag-ugnayan, mga gamit pangkomunikasyon tulad ng cellphone, mga kagamitan tulad ng martilyo, liyabe, wrench, pala, at iba pa.

Kapag may nakita kayong barangay tanod, kagawad o kaya ang inyong kapitan, tanungin ninyo kung nakahanda ang mga gamit na nabanggit sa inyong barangay. Kapag walang ganitong preparasyon, isang malaking dahilan ito upang hindi na ninyo sila iboto sa darating na halalang pambarangay sa Oktubre 31.

Ang mga dapat na gawin habang may baha: Iwasan ang mga lugar na may tubig-baha lalo na kung hindi nakasisiguro sa lalim nito. Huwag lumusong o tumawid sa mga tubig na hindi alam ang lalim, gaya ng ilog o sapa.

Kung may dalang sasakyan at inabot ng baha, huwag piliting tawirin ang baha lalo na kung malakas ang agos nito at hindi matantya ang lalim.

Huwag payagang maglaro ang mga bata sa baha. Huwag languyan o tawirin ng bangka ang mga binahang ilog.

Tandaan din natin na sa panahon ng kalamidad, hindi lahat ng oras ay darating agad ang rescue o saklolo ng gobyerno sa inyo at mako-cover kayo agad ng media.

Maaaring may mas grabeng situwasyon sa ibang lugar na mas prayoridad na saklolohan agad ng rescue team at ng mga awtoridad. Dapat na handa ta­yong kumilos agad base sa ating sariling kakayahan.