Hindi napagana ni Adam­son coach Franz Pumaren ang mahika laban sa dating koponan na La Salle, hindi umubra ang kanyang Magic Hugot mula sa Falcons bench sa mata­talim na pana ng Archers.

Pinulutan ng Green Archers ang Soaring Falcons 91-75 para ilista ang panlimang sunod na panalo sa gayunding dami ng laro sa Season LXXIX ng UAAP men’s basketball sa MOA Arena kahapon.

Nangalabaw si Ben Mbala ng 21 points at 16 rebounds, tumipa si Jeron Teng ng 14 points para sa La Salle. Higit sa lahat, napagana ni Archers coach Aldin Ayo ang second stringers at rumesponde sina Aljun Melecio at Kib Montalbo ng 13 at 12 points.

May sahog pang eight rebounds, six assists at two steals si Montalbo.

Sa dalawang huling panalo ng Falcons, niligtas sila ng mga di-akalaing hugot ni Pumaren sa bench. Pero sapaw sa Archers na inihatid ng coach sa limang titulo.

Maagang nagpundar ng 19-point lead ang La Salle, mula roon ay hindi na pinalapit ang Adamson na naibaba lang ang lamang sa 11.

Sa bawat pagbabanta ng Falcons, laging may sagot ang Archers.