Magic Hugot ng Adamson tatablahin ng La Salle

Mga laro ngayon (MOA Arena)
2:00 p.m. — Adamson vs DLSU
4:00 p.m. — Ateneo vs UE

Iisa ang pakay ng De La Salle U at University of the East, ihawin ang mga katunggali ngayong araw sa LXXIX season ng UAAP senior men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena.

Tutuhugin ng Green Archers ang Adamson Soaring Falcons para ma­panatili ang malinis na karta, habang gigilitan ng Red Warriors ang Ateneo Blue Eagles para masukol ang unang panalo liga.

Mag-isa sa unahan ang DLSU sa 4-0, nakabaon ang UE sa 0-4.

Sina big man Ben Mbala at vete­ran Jeron Teng para tapatan ang mga “Magic Hugot” ni Adamson oach Franz Pumaren.

Mga second stringers ang pumatay sa dalawang huling nakalaban ng Falcons, mula sa bench ay hinugot ni Pumaren si Dawn Ochea para isalpak ang turnaround game-winning jumper para sa Adamson laban sa Ateneo Blue Eagles 62-61.

Noong Miyerkules, kumana ng clutch baskets ang bihirang gamitin na si Kristian Bernardo para itulak ang Adamson paalpas sa mabangis na National University Bulldogs 64-51.

Sa back-to-back wins ng La Salle, nag-average si Teng ng 18 points, 3.5 rebounds, 2.5 assists, at isang steal.

Liyamado ang Green Archers bago pa nagsimula ang season, lahat ng coach aminadong team-to-beat ang La Salle.

Inaabangan kung sino naman ang susunod na bubunutin ni Pumaren para ibangga sa mga players na ipinagmamalaki ng kanyang dating koponan.

“They’re the favorite, halos nasa kanila ang mga materyales ng isang malakas na team,” ani Pumaren, limang beses napag-kampeon ang La Salle. “Sana makasabay kami hanggang sa huli.”