Magic: Mga bangko taga-palakpak muna

MAHALAGA ang magiging papel ng mga nasa bench sakaling ituloy ng NBA ang season at desisyunang sa mga bakanteng arena gawin ang mga laro.

Posibleng ituloy ang 2019-20 season na tinigil noong March 11 kapag humupa na ang banta ng coronavirus, pero walang papapasukin na fans sa venue.

Para kay Lakers great Magic Johnson, makakasanayan din ng players na maglaro nang walang hiyawan ang mga fans pero kailangang mas maging maingay ang mga nasa bench.

“The guys sitting on the bench have to jumping up, hollering and screaming and giving them some juice, and they’ll do that,” ani Magic.

Sila-sila muna ang bibirit ng kantiyaw, sila-sila ang papalakpak at sisigaw.

Medyo kakaiba nga siguro sa mga unang laro, pero kalaunan ay magagamay din.

Mas maganda nang maglaro closed doors kaysa wala na talagang season.

Hindi itinago ni Lakers star LeBron James ang kagustuhang ituloy ang season.

Naintindihan ‘yun ni Magic.

“LeBron and the Lakers are going for something special,” anang dating Lakers team president, ayon sa ulat ni Arash Markazi ng Los Angeles Times.

“The Clippers are going for something special. Milwaukee is going for something special. You know those guys are going to come to play. Their egos are on the line. The championship is on the line.”

Bago sinuspinde ang season, top seed sa East at NBA-best ang Bucks sa 53-12, 1-2 sa West ang Lakers (49-14) at Clippers (44-20). (VE)