Magic ni Erap tangay si Bagatsing

Matindi pa rin umano ang “magic” ni reelectionist Mayor Joseph `Erap’ Estrada sa masa kung kaya’t kahit na sino pa ang maging ka-tandem nito ay matatangay niya sa panalo sa eleksyon sa Lunes.

Ayon kay Marvin Manhit, chief research analyst ng Filipino-Chinese Independent Business Coalition (FICBC), nakita sa kanilang pag-aaral na “magnetic” ang political power ni Estrada na malaking bentahe sa kalamangan ng kanyang runningmate na si dating Cong. Amado Bagatsing laban kay incumbent Vice Mayor Honey Lacuna.

“Kung inyong mapapansin, sina dating Vice Mayor Isko Moreno at Lacuna ay parehong naging bise-alkalde nang maka-tandem ni Erap. Sa tingin natin, kahit sino ang maging kapartner ni Estrada ay nadadala niya sa panalo kaya mukhang matatag si Bagatsing sa advantage over the incumbent,” sabi pa ni Manhit.

Ang FCIBC din ang naglabas ng pag-aaral noong 2016 na nagkukumpirmang maliit lamang ang porsiyento ng ikapapanalo ni Estrada sa eleksiyon.

Matapos ang 2016 election, si Estrada ay nakakuha ng 283,149 boto samantalang si Lim ay 280,464 o kalamangan na mahigit 2,000 boto lang.

“Sa pagkakataong ito, nakikita namin ang commanding lead ni Estrada at kung hindi magbabago ang trend, landslide victory ang ikapapanalo niya na bago ang bise alkalde,” dagdag ni Manhit.

Inaasahan umanong babalik si Estrada sa city hall na ang kasamang vice mayor ay ang kanyang ka-tandem na si Ba-gatsing na nakakuha ng 54.5% votes preference samantalang ang dati rin bise-alkalde ni Erap na si Honey Lacuna ay may 45% votes preference. (Mia Billones)