Magic pinagsarahan si Harden, Rockets kinandado!

Hilahod si Evan Fournier sa buong gabing paghabol kay James Harden sa mga pick and roll, pero maganda ang resulta dahil naigapang ng Orlando Magic ang 116-109 panalo kontra Houston Rockets.

Na-outscore ng Magic si Harden at ang Rockets 14-4 sa final 4 minutes ng laro nitong Linggo.

“That was exhausting,” bulalas ni Fournier pagkatapos. “The guy is terrific. I thought overall, we did a pretty good job, but the guy still had 38.”

Umiskor pa rin ng 38 si Harden para pahabain sa 16 ang kanyang run ng 30-point games. Pero 1 for 17 lang siya sa 3-point attempts, tatlong beses na-foul habang bumibitaw sa labas ng arc. Perpektong 9 for 9 si Harden sa stripe mula sa fouls sa kanya sa 3-point range, 15 of 16 overall.

Nag-rally ang Orlando sa fourth quarter sa likod ng six straight points ni Terrence Ross sa late-game run tungo sa 17. Humugot ang Magic ng tig-22 points mula kina Nikola Vucevic at Aaron Gordon, tumapos si Fournier ng 17 points.

Nasa unahan sa halos kabuuan ng laro ang Houston at lamang 105-98 sa dalawang free throws ni Harden 4:34 sa laro.

Mula roon, 1 for 5 na lang siya sa field kasama ang tatlong sablay sa step-back 3s. Wala rin siyang nakuhang ayuda sa teammates na 0 of 3 sa span na ‘yun.

Umiskor si Austin Rivers ng 25, may 17 points at 10 rebounds si Clint Capela sa Houston na natikman ang pang-apat lang na panalo sa huling 17.