Maganda itong inisyatibo ni Quezon City Police Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar patungkol sa dekada nang problema sa mga naglipanang mga sindikato sa Banawe na kilalang pagawaan ng mga sirang sasakyan o ang mas kilala bilang mga “Banawe boys”.
Ang Banawe ay tinatawag ding one-stop shop pagdating sa mga pangangailangan natin sa ating mga sasakyan na siyang dahilan kaya naabuso ng ilan ang pagdagsa rito ng ating mga kababayang mula sa iba’t ibang sulok ng bansa.
Mula sa mga barker dito, hanggang mga mekaniko at pati na mga may-ari ng mga tindahan ng parts ay tila umaabuso na. Mistulang mga ‘hustler’ na ang imahe ng mga tao sa Banawe.
Unang-una, kapag pumunta ka sa Banawe at wala pang tiyak na lugar na pagpapagawaan ng sasakyan o bibilhan ng spare parts, maghanda ka na sa dadanasin mong kuyog.
Kuyog ang sasalubo sa’yo dahil pag-uumpukan ka ng mga barker at mekaniko at maraming ituturo sa sasakyan mo para ipagawa.
Sa huli, magugulat ka na lang dahil ang laki na pala ng babayaran mo.
Ang siste, bukod sa serbisyo, may patong pa sa presyo ng spare parts na kinabit sa sasakyan kaya hindi mo maiwasang makaramdam na ikaw ay naisahan at ang mas masaklap, napagsamantalahan ng mga ‘hustler’. Sa madaling salita, para kang naholdap!
At dahil kinuyog ka nga ng mga tao dito, mahihirapan ka nang makatanggi o makahirit na magbayad nang mas mababa dahil paniguradong iha-harass ka o gigipitin.
Batid din ng lokal na pamahalaan ang problemang ito, dahil ayon kay Rodel Lobo, barangay captain ng Tatalon na nakakasakop sa lugar sa Banawe na paggawaan ng mga sasakyan, may mga pagkakataon pa nga na natatakasan ang motorista ng kausap niyang mekaniko kahit pa nag-downpayment na ito sa ipapagawang sasakyan.
Ang deka-dekada nang problemang ito ay inaasahan nang mababawasan, o kung hindi man agad na masasawata. Ito ay dahil napagpasyahan ni General Eleazar na panahon na para manghimasok ang mga awtoridad para matigil na ang ganitong uri ng pang-aabuso.
Sa pangunguna ni District Director Eleazar, katuwang ang Quezon City Station 11, tinipon nila ang profile o background ng mahigit 300 freelance na mekaniko sa Banawe.
At kamakailan lamang, ang mga ilang napiling mekaniko dito ay binigyan ng mga identification card para maging bahagi ng grupo ng mga lehitimong auto technician sa Quezon City.
Bukod sa pagkakakilanlan ng auto technician, makikita rin sa kanilang ID ang contact number ng barangay at ang numero ng police station na maaaring pagsumbungan ng motorista.
Sa ganitong paraan, makakaiwas na ang mga motorista sa mga mapang-abusong technician.
Naniniwala si Kapitan Lobo na malaki ang maitutulong ng inisyatibong ito ni General Eleazar.
Pinapayuhan naman ni Director Eleazar ang mga motorista na makipag-ugnayan lamang sa mga technician na may suot na ID. “Hindi dapat makipag-transact ang ating mga motorista dun sa mga walang ID at kung meron naman silang nakita na may ID ay mayroon silang reklamo ipagbigay-alam sa’min.”
Balak ni General Eleazar na palawakin ang sistemang ito at ipatupad sa iba pang mga freelance auto technician sa ibang bahagi ng lungsod at tuluyan nang maalis ang mga ‘hustler’.
Binigyan diin din ni Director Eleazar na magkakaroon ng tuluy-tuloy na pagsubaybay sa mga binebentang parts ng mga tindahan upang maiwasan ang pagbenta o pag-recycle ng mga nakaw na parts.
Magiging mahigpit sa aspetong ito ang kapulisan.
Ang inisyatibong ito ay patunay lamang na kapag nakipagtulungan ang komunidad at naging magkatuwang ang pulisya at lokal na pamahalaan, kakaibang serbisyo at ginhawa ang maihahatid sa publiko.
Bukod dito, maaasahang tataas pa ang kontribusyon ng industriya sa Banawe sa gross income ng Quezon City.