Hindi na lang pamimeke ng mga gamot at mga produkto ang tumitindi ngayon mga tsong, kung hindi maging ang mga balita na rin.
Bagama’t wala kang perang nawawala o nasasayang sa mga naglalabasang pekeng balita, dapat ka pa ring maalerto at kabahan dahil pang-iinsulto at pagsasamantala ito sa iyong karapatan na makakuha ng tamang impormasyon.
Bukod nga sa naging panira ng bonding time ng mga magkakaanak at magbabarkada ang modernong teknolohiya na internet, nakakasangkapan din ng mga kolokoy na manloloko ang internet, gaya ng mga social media, para magpakalat ng mga peke o maling balita.
Hindi biro at hindi nakakatawa ang fake news dahil pinaglalaruan ng mga may pakana nito ang emosyon ng mga tao. Bukod diyan, nakakasangkapan pa nila sa kalokohan ang mga inosenteng nagbabasa na nagsi-“share” at nagla-‘like’ sa post na hindi nila alam eh maling balita pala.
Aba’y kawawa rin mga tsong ang mga magiging target ng fake news lalo na kung paksa nito ay manira ng mga kilalang personalidad, nagpapakalat ng mga maling datos, at kung minsan pa nga eh ‘pinapatay’ nila ang mga sikat o kilalang tao.
Pero paano nga ba mabibisto na ang isang fake news na lalabas sa social media eh fake news? Sabi ng ilang eksperto, isang palatandaan ng pekeng balita na lalabas sa social media gaya ng Facebook ay may mga ‘titulo’ na puro naka-capital letters at may mga ‘exclamation point’ pa (!!!).
Aba’y hindi naman talaga gawain sa totoong balita na naka-capital letter ang pamagat ng istorya at tadtad pa ng tandang padamdam.
Suriin din ang inilalagay nilang ‘news organization’ na palalabasing pinagmulan ng balita. Maging mapanuri sa ‘URL’ o yung makikita sa unahan ng link ng ‘site’ na may nakasaad na ‘www’, at sa huli ay may ‘com’ o ‘co’ o kung anu-ano pa.
Para makasiguro, bago i-click ang link o i-share ang pekeng balita, subukang hanapin ang katulad na titulo o paksa ng istorya sa mga lehitimong media organization. Kung kahit man lang isa eh walang katulad na nagbalita nang nakita mo sa social media, malamang sa malamang eh peke ‘yan.
Bukod sa mga istorya o paksa ng balita na pinipeke, ingat din mga tsong sa mga larawan na ginagamit ng mga nagpapakalat ng maling balita. Hindi ba ilang beses nang nangyari na may mga social media post ng mga larawan na pinapalabas na sa Pilipinas nangyari, na kinalaunan ay matutuklasang sa ibang bansa pala.
At kung sa Pilipinas man nangyari, lilitaw na sa ibang panahon ito naganap at palalabasan na bago lang nangyari para itugma sa pekeng balita. Kung kakagat tayo nang kakagat sa mga pekeng balita na ipinapakalat, magpapatuloy ang mga kolokoy na nasa likod nito para manlinlang.
Kapag nakakita ng pekeng balita, huwag nang i-share para hindi kumalat. At kung isi-share, lagyan ng komento na magbibigay babala sa iba na peke ang naturang balita. Tandaan, ang manloloko ay kapatid ng mga ugok. At ang magpapaloko sa mga ugok, ito’y ‘ogag’. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”
(Twitter: follow@dspyrey)