Dear Sir:

Nagpahayag si Chief PNP Ronald dela Rosa na patay na ang suspek sa pagsunog at pagnanakaw sa Resorts World Manila sa Pasay. Tinangay umano nito ang nasa higit P113M halaga ng chip sa nasabing estabilisyimento.

Marami sa ating mga kababayan ang nanga­ngamba na at nakaramdam ng takot na maaa­ring may kinalaman ang ISIS sa naganap na pag-atake. Hindi maiiwasan na magdulot ito ng mga panibagong travel advisory sa ibang bansa kasunod ng mga pag-atake sa Mindanao at ngayon ay nasa Maynila na.

Sana nga ay totoo ang sinabi ni Dela Rosa na walang kinalaman dito ang ISIS o anumang tero­ristang grupo.

Panawagan sa ating mga kapulisan pag-ibayuhin pa ang kanilang mga checkpoint nang hindi malusutan. Hindi porket nasa Mindanao ang bakbakan ay wala na itong kakayahang makarating ng Luzon o Visayas.

Sa mga gwardiya naman, maging alerto at gawin sanang maayos ang trabaho. Madalas kasing konting sipat lang sa mga bitbit na gamit ng mga tao ay pinapapasok na.

ALYANA BACANI

Tarlac

***

Dear Sir:

Ayon kay Armed Forces of the Philippines spokesman Restituto Padilla tinatayang 90% na ang na-cleared ng tropa at 10% na lang ang target na masupil nila sa kaguluhan sa Marawi.

Posible umanong mahigpit ang pagbabantay na gagawin ng Maute sa natitirang lugar na hawak nila.

Umabot na sa 960 resi­denteng na-trap ang nai­ligtas at 91 na armas ang narekober ng militar.

Pahayag pa ni Padilla­ malapit nang matapos­ ang giyera laban sa Maute. Seryoso umano ang gobyerno na magwagi para sa pang matagalang kapayapaan kaya­ naman idineklara ang Martial Law na malayo na sa kung ano at paano ito ipinatupad noon.

Sa kabila ng mga nangyayari maniwala­ tayo sa kakayahan ng ating AFP at PNP na magagawa nilang iligtas ang mga sibilyang na-trap, marekober ang mga nasawi at biktima at makapag-abot ng tulong sa mamamayan gaya ng relief operation na kailangan ng ating mga kababayan.

Konting tiis na lang, manalig tayo sa Diyos at suportahan ang mga sundalo/pulis na makakaya­nan nila ito.

Itakwil at isuplong ang mga terorista, mas kailangan ngayon ang pagkakaisa upang matigil­ na ang karahasan at paghihirap ng bawat isa.

ROMEL GABLAN

Quezon City