Sana maging aral sa lahat ang krimeng nagawa ni Von Martin Tanto, na dahil sa kayabangan marahil dahil armado ng baril eh nagawa niyang patayin ang kanyang nakasuntukang biker na si Mark Vincent Geralde, at nadamay pa ang estudyanteng si Rocell.
Hindi porke may baril na eh puwede ka nang pumatay ng tao. Hindi porke may koneksyon ka eh maaari ka nang kumitil ng buhay ng tao at hindi porke nakakotse ka eh mayabang ka na.
Marami sa atin ang katulad ni Tanto, lalo na ‘yung mga langaw na nakatuntong sa kalabaw eh ang tingin sa sarili eh mas mataas na sa kalabaw at kapag hindi kinaya ang hinamon sa suntukan ay gagamit na ng baril.
Palagay ko hindi matanggap ni Tanto na natalo siya ni Mr. Geralde sa suntukan na una niyang sinugod matapos magkasugutan. Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV), dehado si Tanto sa suntukan kaya umiral siguro ang ego at sa kagustuhang makaganti eh ginamit na niya ang kanyang baril.
Maging aral din sana sa mga gagawa pa ng krimen na sa panahong ngayon, kalat ang mga CCTV camera na magrerekord sa krimeng ginagawa mo kaya wala kang ligtas kapag nahagip ka.
Buti na lang at may CCTV dahil kung hindi, baka ang krimeng ito eh naligtasan na ni Tanto.
Buti na lang! Sana rin eh lahat na ng mga lugar sa Metro Manila eh lagyan na ng camera.
Sa panahong ding ito, kapag nakagawa ka ng krimen, wala kang pupuntahan dahil ang bilis na ng impormasyon dahil sa mga makabagong teknolohiya. Kahit saan ka magtago, puwede ka pa ring mahuli lalo na kapag ikinalat na sa media ang larawan mo na may kasama pang sumpa ng mga netizen.
Paliit na nang paliit ang mundo ng mga kriminal dahil sa social media at kung nakakamatay lang ang opinyon ng mga netizen sa ginawang krimen ni Tanto ay baka gutay-gutay na ang katawan niya.
***
Mukhang mga maliliit na lang ang mahuhuli ng mga pulis na drug personalities dahil may mga impormasyon na ‘yung mga supplier ng mga maliliit na pushers ay nangibang bansa na raw?
Simula raw noong paigtingin na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga, may mga taong pinaghihinalaang sangkot sa iligal na gamot at siyang nagsu-supply sa mga small time drug pusher ay biglang umalis na ng bansa.
Bukod kasi sa mga drug lord ay mayroon silang mga kontak sa bawat lugar at ito raw ang mga biglang nangibang bansa, biglang umalis na hindi naman daw nila ginagawa noong hindi pa nakapuwesto si Presidente Digong.
Magsilbing paalala na rin sana sa mga pushers na sa ganitong mga pagkakataon, kayo ang laging nasa frontline ng sindikato ang laging naisasakripisyo at sa totoo lang hindi naman kayo yumayaman.
Ang pinapayaman ninyo lang eh ang mga nagsu-supply sa inyo ng droga habang kayo eh unti-unting nawawasak dahil hindi ninyo ginagamit ang utak ninyo at tulad niyan, ‘yung mga supplier ninyo nag-alisan na habang kayo eh masuwerte na kapag sa kulungan ang bagsak ninyo.
Teka, marami raw ng public school teachers ang in-Oplan Tokhang dahil sa paggamit ng iligal na droga. Ano ang aksyon ng Department of Education (DepEd) sa mga ito? (dpa-btaguinod@yahoo.com)