Mapa-Kapamilya; Kapuso; Kapatid o kung anu-ano pang ‘ka-uri’, hindi pwedeng puro kuwento lamang sa social media ang pagkaka-absuwelto sa drug test ng mga celebrity.

Kung seryoso ang showbiz industry, sa pangu­nguna ng mga sinisilungang television network, sila mismo ang mag-request sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ng drug testing para maging kapani-paniwala sa publiko ito.

Hindi natin hinuhusgahan ang mga kilalang celebrity naunang nagpa-drug test at ipinangalandakan sa Facebook, Instragram at Tweeter ang negative result pero hindi kalabisan kung hingin sa kanila na personal na magtungo sa presinto at magboluntaryo.

Hindi naman natin iniismol ang maka-lumang urine test o drug testing sa pagkuha ng drivers license subalit maraming butas ang sistema ng Land Transportation Office (LTO) at pinagkakakitaan lamang ng mga fixers.

Take note: hindi rin kapani-paniwala ang ilang results sa drug test na ipinapatupad ng LTO sa pagkuha ng driver license-ganito rin ang tila sinusundang formula ng ilang celebrity na idinadaan sa social media ang pagsasabing ‘negative’ sa drug test.

Kahit walang sabit sa drug test ang isang celebrity o nag-negative, katulad ng kanilang kuwento sa social media, aba’y sinong maniniwala kung sila-sila lang mismo ang nakakakita ng result–isang malinaw na pambobola para lamang makalusot.

Tinitingala; hinihiyawan; tinitilian at kung anu-ano pang papuri ang ibinibigay sa mga artista, sobrang sikat man o minsanan lamang sumigla ang career sa industrya, may karapatan ang publiko malaman ang katotohanan.

Masakit man aminin, sa bawat pelikula; paglabas sa telenovela; pag-endorso ng isang produkto sa mass media – ito’y pinagkakakitaan ng isang artista kaya’t dapat maging ehemplo dahil sayang ang pagtitiwala ng mga ito.

Bilang ehemplo at tinitingala sa showbiz industry, sila mismo ang dapat umiwas sa illegal drugs dahil kapag sumabit sa ganitong eskandalo, hindi lang sariling kapamilya, kapuso o kapatid ang nasasaktan kundi mga fans.

Mismong liderato ni PNP Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa nanawagan sa mga celebrity na huwag idaan sa social media ang pagkaka-absuwelto sa drug test dahil napakadali nga naman magsabing ‘negative’.

Kung walang pinagtatakpan ang pamunuan ng mga television network at film outfits, bakit hindi i-boluntaryo sa PNP ang kanilang talent; hindi naman kailangan pang bitbitin sa PNP headquarter kundi mag-request na gawin sa kanilang office para hindi naman pag-piyestahan sa presinto ang kanilang talent.

Kung wala naman itinatago at sadyang matapang ang kanilang talent, aba’y dumiretso sa presinto para magpa-drug test. Kung tutuusin makakadagdag pa sa popularity ng isang artista ang gagawin at marami pang bibilib keysa pa-sekretong magpa-urine test. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

***

(Twitter: follow@dspyrey)