Maganda ang plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na bigyan ng kapangyarihan ang mga barangay tanod na maniket ng mga pasaway na mga motorista.

Ang planong ito ng MMDA ay unang ipatutupad sa Quezon City na malawak na talaga ang problema sa trapiko.

Pero bago isalang ng MMDA sa paniniket ang mga tanod ay bibigyan muna ang mga ito ng sapat na kaalaman sa anti-littering, anti jaywalking at clearing ng illegal park vehicles, illegal vendors at illegal terminals.

Sa sandaling matutunan ang mga dapat gawin sa pag-iisyu ng tiket sa mga nabanggit na paglabag ay pagkakalooban na ng traffic violation receipts ng MMDA ang mga pili at sumabak sa training na barangay tanod para tumulong sa pagmamando ng trapiko.

Mabuting solusyon ang planong ito ng MMDA sa kakapusan ng mga traffic enforcers sa Metro Manila na nagreresulta kadalasan ng pagkakabuhul-buhol ng trapiko.

Kaya sana ay mai­patupad ito hindi lang sa QC ng MMDA kundi sa buong Metro Manila upang sa gayon ay matutong sumunod sa trapiko ang mas maraming motorista dahil maliban sa mga tauhan ng MMDA ay may tututok na ring mga barangay tanod na may kapangyarihang mag-isyu rin ng tiket sa mga pasaway na mga motorista.

Umaasa tayong matugunan ang magandang hangarin ng MMDA sa planong ito at hindi maging dagdag problema katulad ng dinaranas ngayon ng ahensya kung saan ay mara­ming tauhan ang MMDA ang nasasangkot sa katiwalian dahil sa pakikipag-areglo sa mga nahuhuli nilang mga pasaway na mga motorista.