Matapos ang sunud-sunod na pagtataas sa presyo ng langis nitong mga nakaraang araw ay magandang balita naman ang bubungad sa taumbayan ngayong pagpasok ng Lunes dahil sa napipintong pagpapatupad ng rollback sa presyo ng produktong petrolyo.

Wala pang pormal na anunsyo kung kailan ang implementasyon ng tapyas sa presyo ng produktong petrolyo pero antabayanan na ito sa mga darating na araw ayon sa oil companies.

Batay sa ulat, malaki-laking rollback ang ipatutupad kung saan ay 50 hanggang 60 sentimo ang tapyas-presyo sa kada litro ng diesel.

Nasa P.30-P.40 sentimo naman ang price rollback sa bawat litro ng gasolina, habang P.60 hanggang P.70 ang ibabawas sa halaga ng kada litro ng kerosene.

Malaking kaluwagan sa taumbayan ang ipatutupad na tapyas-presyo sa produktong petrolyo dahil nagkasunud-sunod talaga ang pagtataas ng presyo ng langis ng mga nakaraang araw na nag-udyok para gumalaw din ang presyo ng ilang pangunahing bilihin.

Kaya sana ay maging mapagmatyag ang publiko, talasan ang pakikinig at pagbabasa ng mga impormasyong may kinalaman sa ganitong mga balita dahil kapakinabangan nating lahat ang nakasalalay dito.

Wala pa tayong impormasyon hinggil sa mga oil companies na hindi sumusunod sa rollback pero mas mabuti nang maging maagap upang sa gayon ay makinabang tayo sa ipatutupad na tapyas-presyo matapos mabugbog sa sunud-sunod na oil price hike.

Kasabay ng pagpapatupad ng rollback ay maging mapagbantay din sana ang gobyerno para lahat ng oil companies na dapat na magpatupad ng rollback ay sumunod sa kautusan.

Sa ganitong paraan ay maipapamalas ng gobyerno ang kanilang malasakit at pagbibigay proteksyon sa mga mamimili dahil wala naman silang kakayahang awatin ito bunsod ng umiiral na Oil Deregulation Law.