Dear Sir/Ma’am,
Wala talgang kadala-dala ang NPA sa mga ginawa nila sa Guihulngan, Negros Oriental kung saan patay ang isang police chief, 5 miyembro ng kapulisan, at isang sibilyan.
Hindi lang ito, marami pa silang ginawa sa Negros, Panay maging sa Agusan del Sur kung saan nanunog sila ng mga equipments at trak na hindi naman sa kanila!
Sa pinakahuling salita ni Pres. Rodrigo Duterte tungkol sa usapang pangkapayapaan ng gobyerno sa CPP-NPA, ayaw na niyang ituloy ito. Marami na raw utang ang mga komunista sa gobyerno. Marami na silang napatay na pulis, sundalo. Isusunod na nga raw na target ng gobyerno ang NPA kapag natapos na ang krisis sa Marawi.
Sinang-ayunan din ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang desisyon ng presidente. Ilang beses na raw hindi nagpakita ng katapatan ang mga komunista.
Patuloy pa rin ang pag-atake sa gobyerno at pangingikil sa mga negosyante. Paano nga uunlad ang isang lugar kung may ganitong mga kriminal na aktibidad?
Paano nga naman magkakaroon ng matapat na usapan, kung ganito naman kumilos ang NPA? May katotohanan talaga na walang kontrol ang CPP-NDF sa NPA. Habang nag-uusap, patuloy pa rin ang mga masasamang ginagawa ng NPA. Wala talagang kadala-dala!
Maria Jumela E. Decena
Silang, Cavite
***
Dear Sir:
Kinakailangan sa mga panahong ito ay lalong maging mapagmatyag hindi lamang ang ating awtoridad kundi maging tayo bilang mamamayan.
Nakakabahala ang mga lumalabas na balitang mayroon umanong posibilidad na bumuo ng alyansang komunista at Muslim extremist.
Kung sakaling mangyari man ito ano na lamang ang mangyayari sa ating bansa?
Nakakatakot isipin na maaaring magmala-Marawi ang buong Pilipinas dahil dito.
Kaya sana sa ating mga kababayan mas maging bukas ang ating kaisipan na ang mga terorista at rebelde ay pareho lamang.
Kailangan natin magkaisa upang masugpo sila at hindi na makapaghasik ng lagim gaya ng patuloy nilang isinasagawa sa iba pang lugar. Kung mayroon kahina-hinalang mga tao ay dapat ipag bigay alam sa awtoridad.
Jersan Arguilles
Mindoro