Maging mapanuri sa kandidato upang ‘di magsisi sa dulo — PNoy

04-21-2016-noynoy
Benigno Aquino III

Kahit sa isang gra­duation exercise, hindi­ pinalampas ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagkakataon para ikampanya ang kanyang mga minamanok sa May 9 presidential elections.

Sa 30 minutong talumpati ni Pangulong Aquino sa 68th commencement exercises ng Manuel L. Quezon University (MLQU) na ginanap sa Sofitel Hotel sa Pasay City, hindi lang ang accomplishment ng kanyang admi­nistrasyon ang ipinagmalaki ng Pangulo kundi pati na sina Liberal Party (LP) presidential bet Mar Roxas at running mate Leni Robredo.

Ayon sa Pangulo, si Roxas ang itinuturing na ama ng BPO industry sa bansa na nakapagbigay ng maraming trabaho sa mga Pilipino.

Ipinagmalaki rin nit­o si Robredo na sa loob ng 15 taon ay nagsilbi sa Public Attorneys Office (PAO) at non-government organizations (NGOs) upang pagsilbihan ang mga nasa laylaya­n ng lipunan imbes na magtrabaho sa mga korporasyon.

“Suriin natin sino ang may kuwalipikasyon at pasensiya na kayo s­amantalahin ko na ang pagkakataon alam naman po ninyo ikinakampanya ko si Mar, si Leni,” wika ng Pangulo bago binanggit ang BPO industry na pinasimulan ni Roxas.

Nagbabala rin si PNoy sa mga botante na maging mapanuri sa mga tumatakbo sa pampanguluhang halalan dahil kapag nagkamali sil­a ng iboboto ay walang ibang dapat sisihin kundi ang botante.

Inihalintulad pa nito ang botante sa may-ari ng restaurant na naghahanap ng cook, pero nang kunin ang isang meka­niko para maging kusinero ay pumal­pak sa trabaho, hindi ang mekaniko ang dapat sisihin dito kundi ang restaurant owner.

“‘Pag nalugi ang restawran mo dahil ang mekaniko hindi naman magaling na kusinero ‘yan. ‘Pag nalugi hindi mo sisisihin ‘yung kusinero, sisisihin mo ikaw na kumuha dun sa mekaniko para ma­ging kusinero,” babala ng Pangulo. ni Boyet Jadulco