Maging praktikal sa panahon ng COVID19

Habang nalalapit ang pagtatapos ng ECQ sa NCR, patuloy namang dumadami ang bilang ng mga nahahawa ng kinatatakutang COVID19 kaya hindi imposibleng mula sa orihinal na petsa ay i-extend pa ang pagpapatupad nito ng mas mahabang panahon.

Mas mahabang panahon ng ECQ, mas matagal na tsansang bumalik sa normal ang situwasyon para muling kumita ang mga tao at dahil dito kailangang maging praktikal o sa mas diretsang pananalita, magtipid o kalimutan na muna ang luho, kabilang na ang pag-iisip ng kung anu-ano pang mailalagay sa sasakyan.

Marami ang nag-aakalang nakaginhawa sila nang magpatupad ang mga bangko ng extension o pansamantalang pagpapaliban sa buwanang paniningil sa mga hulugang sasakyan dahil totoo nga naman na malaki ang kanilang matitipid, sa ngayon.

Pero kung iisipin ang kasunod na eksena, kamot-batok din ang aabutin ng mga may hulugan na sasakyan dahil hindi rin sinasabi ng mga bangko kung paano sila maniningil bilang bawi sa pinalagpas nila.

Isipin natin na ang mga bangko ay kabilang sa mga pinakamagugulang na negosyo sa buong mundo kaya dapat na lawakan din natin ang foresight sa mga susunod na pangyayari.

Magbukas man muli ang ilang negosyo ay siguradong hindi muna ito kagaya noong mga nakaraang buwan na hindi pa iniinda ng mga Pinoy ang COVID19.

Sinasabi ng mga eksperto na matinding paglagapak ng ekonomiya ang posibleng kasunod na mangyari matapos ito kaya dapat sigurong ibilang sa mga ipupuwera na muna sa badyet ay ang pagborloloy sa mga awto.

Sa social media nga ay kabilaan na ang posts tungkol sa mga pakete ng renewal ng car insurance pero huwag na muna siguro itong pansinin dahil hindi naman halos nagagamit ang mga sasakyan bunga ng pag-iral ng ECQ.

‘Yung mga pag-ugrade ng stereo, pagpapabalot ng leatherette covers sa mga upuan, pagpapalit ng mags, busina at ilaw ay baka puwede na munang ipagpaliban.

At higit sa lahat, kung bago mag ECQ ay may plano nang kumuha ng hulugan na sasakyan dahil nakapagsubi na ng pangdown payment, ay siguro marapat na tanungin muna ng isang libong beses ang sarili at ang partner kung itutuloy ito matapos ang lockdown.
Maging praktikal po muna tayo.
Ayos ba?