Walumpu katao na ang namamatay sa novel coronavirus sa China na sinasabing nagmula sa wild, exotic animals na nakasalamuha ng tao sa palengke sa Wuhan. Humigit kumulang sa 3,000 ang infected, kabilang na ang mga nasa ibang bansa tulad ng Amerika, France, Australia, Canada, Nepal, Vietnam, Singapore, Japan, South Korea, Thailand, Taiwan, at ang special administrative region ng China na Hong Kong at pati ang Macau.
Kabilang sa mga sintomas ng sakit ang lagnat at pag-ubo, sipon, at kahirapan sa paghinga. Mas binabantayan ang may ganitong simtomas kapag nanggaling sa Wuhan o Hubei province ng China. Kaya naman maagap ang ating pamahalaan sa pagsiyasat sa mga nagsidatingang turista kamakailan sa Boracay, Bohol at Palawan na nagmula sa Hubei, China
Pero kailangan din sigurong siyasatin ang lahat ng mga nag-stop over lang sa Wuhan, kahit na sa kanilang paliparan lang, at makakapasok sa ating bansa.
Mahalaga talagang maging proactive ang ating pamahalaan. Bantayang mabuti ang lahat ng ports of entry at maglagay ng mga foot bath – ang dinadaanan na tila carpet ng mga pasaherong papasok sa airport na mayroong disinfectant sa suwelas ng sapatos o tsinelas. I-quarantine agad ang mga may sintomas ng sakit. At dapat ding maging handa ang ating mga ospital sa pamamagitan ng paglalagay ng special rooms o areas para sa mga maaaring may dala ng nCov na makakapasok sa ating bansa.
Kailangang naka-face face mask at goggles, o kung maaari ay naka-hazmat suit o decontamination suit ang mga doktor, nurses at iba pang medical staff na gagamot sa pasyente.
Kailangan ding pag-aralan na ng mabuti ng ating mga siyentista at beterinaryo ang mga wild animals tulad ng fruit bats na nakakasalamuha na ngayon ng mga tao sa urban areas tulad ng Metro Manila. Ayon kay Dr. Alice Alma Bungay, Veterinarian at espesyalista sa mga laboratory animal, nabulabog na mula sa kagubatan ang mga paniki dahil sa urban development, at napapadpad na sila sa kinaroroonan ng mga tao. Kung ang Wuhan coronavirus ay posibleng nagmula sa mga infected na paniki, hindi aniya dapat ipagwalang-bahala rin ang mga paniking nagsisiliparan sa ating paligid ngayon.
Sa ngayon ay wala pang positibong nakapasok na nCov sa ating bansa pero mas mabuti nang maging maingat. May mga binabantayan ngayong pinagsususpetsahang kaso sa Metro Manila sa Asian Hospital Muntinlupa na isang 78-anyos na lalaki at sa Adventist Medical Center sa Pasay City na 44 taong gulang na lalaki. Mayroon din sa El Nido, Palawan na 10 taong gulang na batang babae. May isang pasyente rin na nasa Camiguin General Hospital sa Mambajao na isang 29-anyos na lalaki. Sa Dr. Rafael Tumbokon Memorial Hospital naman sa Kalibo, Aklan, tatlo ang binabatayan rito kabilang ang isang 32 at 24-anyos na babae at isang 6 na taong gulang na batang lalaki. Sa Tacloban City Hospital sa Leyte, 36-anyos na lalaki ang pinaghihinalaan. Sa Cebu, bantay-sarado rin ang isang 5 taong gulang na batang lalaki ay 18-anyos na babae sa Vicente Sotto Memorial Medical Center at isang 61-anyos na babae sa Allied Experts Medical Center.
Kung tayo ay mahina ang resistensya, tulad ng matatanda, sobrang bata, may sakit na diabetes, hypertension, kanser, kidney disease at iba pang nakakapagpahina ng resistensya, manatili muna sa bahay kung wala namang importanteng gagawin at umiwas sa crowded areas. Magsuot ng face mask at maghugas lagi ng kamay at mga exposed areas ng katawan. Itapon ang ginamit na face mask, huwag nang i-recycle. Kumain nang maayos – prutas, gulay, protina at carbohydrates, uminom ng maraming tubig, ayusin ang pagtulog at mag-ehersisyo.
At kung nilalagnat, sinisipon at inuubo, lalo na kung nasa high-risk tulad ng nabanggit nating mahihina ang mga resistensya, magpatingin agad sa doktor upang makasiguro.