Maging responsable

Panahon na ng kaliwa’t kanang parties. Christmas party sa opisina, ng pamilya, barkada at mga reunion.

Normal din sa ganitong mga okasyon ang alak. Hindi naman bawal uminom dahil parte naman talaga ‘yan ng kasiyahan.

Pero dapat ay maging responsable. Huwag uminom kung magmamaneho o kung walang choice kundi magmaneho, ‘wag na lang uminom.

Laging katwiran ng mga pilosopo, nakainom lang at hindi naman lasing kaya puwede.

Tawagin nang killjoy pero ang taong may kargang alak sa katawan, gaano man kakonti, ay nababawa­san ang lebel ng reflex o bilis ng reaksyon sa galawan sa paligid. Medyo bumabagal talaga ang kilos at reaksyon.

Sa pagmamaneho ay lubhang mahalaga ang 100% liksi ng reaksyon at talas na isip.

Maraming disgrasya sa kalsada ang naidudulot ng alak. Sana ay maging responsable ang bawat motorista.

Pakaisipin nang paulit-ulit na kadalasang nakakapandamay ang aksidente sa kalye. Hindi bale nga kung ‘yung nakainom lang ang madidisgrasya, inilugar niya ang sarili sa harm’s way, ika nga.

Ang nakakaawa sa ganitong mga disgrasya ay yaong mga nag-iingat na motorista. Walang rason para sila maaksidente pero nang dahil lang sa nakasalubong na motoristang kargado ng alak, maging sila ay nalalagay sa peligro.

Sa lahat ng motorista, kailangang maging responsable. Kung hindi maiiwasang uminom nang konti, si­guruhing mapagpawisan o makaidlip nang konti bago magmaneho.

Dapat ay bumaba ang tama ng alak bago humawak ng manibela.

Hindi lang para sa sariling kaligtasan kundi higit ay sa kaligtasan ng ibang motorista.