Naging bahagi na ng pagpapakalat ng impormasyon ngayong panahon ang social media, maliban sa telebisyon, radyo at dyaryo.
Kaya naman kahit anong kaganapan sa ating paligid, maliit man ‘yan o malaki ay mabilis na nakakarating sa kaalaman ng marami dahil malawak na talaga ang impluwensiya ng social media.
Partikular na rito ang magkasunod na pagsabog na nangyari kamakalawa ng gabi sa Quiapo, Maynila kung saan ay dalawa katao ang iniulat na namatay at anim na iba pa ang nasugatan.
Ito na ang pangalawang beses na may malaking pagsabog na nangyari sa Quiapo na isang napaka-busy na lugar dahil sa napakaraming dumarayo.
Kaya sana ay maging maingat po tayong lahat. Hindi lamang sa mga nasa Quiapo kundi maging sa iba pang mga lugar upang mapanatili ang kaligtasan natin lahat.
Kaakibat ng ating pag-iingat sa ating mga sarili, mga mahal sa buhay at mga ari-arian ay maging maingat din tayo sa pagpapakalat ng mga impormasyong nagdadala ng pangamba sa ating mga kababayan.
Huwag po tayong basta-basta magbahagi ng mga impormasyong magdudulot ng panic o takot sa ating mga kababayan gamit ang social media.
Lagi po nating tandaan na napakalawak na ng nararating ng social media kaya anumang impormasyong nababasa ay nagdudulot ito ng malaking impluwensiya sa netizens.
Katulad ng apela ng mga awtoridad, huwag po tayong magpapakalat ng mga impormasyong hindi beripikado dahil imbes na makatulong tayo sa pagpapanatili ng kaligtasan ng ating lugar o ng ating bansa ay mas malawak pang pinsala ang idulot nito, lalo na’t may bansa na namang naglabas ng travel warning laban sa ating bansa, kasunod ng nangyaring pagsabog.
Dahil sa inilabas na travel warning ng United Kingdom sa Maynila hindi malayong may iba pang bansang sumunod at malaking epekto na naman ang idudulot nito sa turismo ng ating bansa.
Pinakamainam nating gawin kapag may mga kahina-hinala tayong nasasaksihan sa ating kapaligiran ay maging mapagmasid tayo sa ating kapaligiran at ipagbigay-alam kaagad sa mga awtoridad ang mga kahina-hinalang pagkilos imbes na ipakalat agad ito gamit ang social media.