Alerto at buhay na buhay ang netizens sa social media, patunay dito ang pag-alma sa tila pagbibigay ng tribute ng state journal o ang Official Gazette sa 99th kaarawan ng yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Bukod sa tribute ay may ilang nila­laman sa tribute ang inalmahan ng netizens katulad ng deskripsyon sa panahon ng Martial Law kung saan nakasaad na ginawa ni Marcos ang deklarasyon para sugpuin ang insurhensya sa Mindanao at pinili raw ni Marcos na bumaba sa puwesto para maiwasan ang pagdanak ng dugo kasunod ng himagsikang nakilala bilang ‘People Power’.

Paliwanag ng mga nasa likod ng state journal, ipinapahayag lamang nila kung ano ang sinasabi ng mga dokumento mula sa official records pero nanindigan si Presidential Communications Office (PCO) Secretary Martin Andanar na kung anuman ang mga nagawa ng Martial Law hindi maaring baguhin.

Sa ganang amin, napakasensitibong ng usaping ito kaya dapat iniingatan.

Kaya para sa amin, anuman ang nakalahad sa ating kasaysayan patungkol sa Martial Law ay walang karapatan ang sinumang administrasyon na baguhin ito.

Magsilbi sanang leksyon sa lahat, lalo na sa mga namamahala sa gobyerno ang kaganapang ito na walang sinuman sa inyo ang may karapatang bumago ng ating kasaysayan, lalo na sa usapin ng Martial Law.

Nariyan kayo para mag-imporma sa publiko ng mga mahahalagang kasaysayan sa ating lipunan at hindi para baguhin ito nang naayon sa inyong paniniwala.

One Response