Magka-live in niratrat sa Sorsogon, suspek nagbaril sa sintido

Nasawi ang isang babae nang umawat ito sa away ng kanyang ka-live in at dati nitong kaalitan sa Donsol, Sorsogon Sabado ng umaga.

Dead-on-arrival sa Donsol District Hospital dahil sa isang tama ng bala sa likurang bahagi ng katawan si Sofima Pedragosa, 35.

Inoobserbahan naman sa nasabing ospital ang kanyang ka-live in na si Agosto Alim, 50, na nagtamo ng mga tama ng bala sa leeg at kanang kamay.

Kritikal din ang suspek na si Joseph Lovenario, 42, residente ng Brgy. Gura, Donsol, matapos na magbaril umano sa kanyang sintido.

Sa ulat ng tanggapan ni Police Maj. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol Provincial Police Office, nangyari ang insidente dakong alas-7:15 ng umaga sa harapan ng isang restaurant sa Brgy. Central, Donsol kung saan nakatira ang mga biktima.

Nabatid na may dati nang alitan sina Lovenario at Alim. Kamakalawa ng umaga, nakitang palakad-lakad ang suspek sa harapan ng bahay ng mga biktima.

Lumabas diumano si Alim bitbit ang isang itak at kinompronta ang suspek hanggang sa humantong sa mainitang pagtatalo ang usapan. Dito binunot umano ng suspek ang dalang baril at pinutukan si Alim.

Nasaksihan ni Pedragosa ang insidente kaya mabilis itong sumaklolo sa ka-live in at inawat ang suspek kaya nakuhang makatakas ni Alim. Pero malapitang binaril ng suspek ang babae na tinamaan sa parteng kili-kili at agad bumulagta.

Kasunod nito, hinanap pa umano ng suspek si Alim pero hindi na ito nakita dahil nakapagtago na.

Makalipas ang ilang saglit, nagbaril sa kanyang sintido ang suspek. (Edwin Balasa)