Ayon pa kay Jayson, pinagsisisihan niya ng labis ang nagawa niya sa kasin­tahan na tunay na pinagkalooban niya ng labis na pagmamahal na hindi niya akalaing hahantong lang sa malagim na wakas.

Sinabi naman ni Insp. Valdez sa TUGIS na hindi na makapagkakaila pa sa nagawang krimen si Jayson kahit pa nga nagawa niya ang personal na pag-amin sa krimen nang walang kaharap na abogado dahil matibay ang mga ipi-prisinta nilang ebidensiya sa tagausig, kasama na ang kuha niyang video at larawan ng dayuhan habang nakaluhod na humihingi ng patawad sa ina ni Barbie na si Aling Clemencia Del Rosario.

Ilang mga malalapit na kaibigan naman sa LGBT ni Barbie ang nagpahayag na hindi sila naniniwalang pera lang ang dahilan ng pagkakaroon ng ma­tinding away ng magkasintahan dahil batid nila na hindi lang pera ang dahilan nang mahalin ng biktima ang dayuhan.

Matapos makuha ang mga pahayag ng mga testigo, kabilang na ang sinumpaang salaysay ni Noli Manlolo, ang officer-in-charge ng Tower D Shell Resi­dences pati na ang pahayag ng scavenger na naka­kita sa ginawang pagtatapon ni Jayson sa bangkay ni Barbie sa gilid ng Cavite Expressway, pati na ang iba pang mga ebidensiya at kuha ng CCTV, isinampa ng pulisya ang kasong murder laban kay Jayson sa Pasay City Pro­secutor’s Office.

Sa pahayag sa TUGIS ni Insp. Valdez, nakakita ng sapat na ebidensiya ang tagausig upang isampa sa korte ang kasong murder laban kay Jayson na ­walang inirerekomendang piyansa para sa pansamantalag paglaya.

Nang i-raffle ang kaso, bumagsak ito sa sala ni Pasay Regional Trial Court (RTC) Judge Pedro De Leon Gutierrez ng Branch 119.

Humiling kaagad ang abogado ni Jayson ng speedy trial at dahil may umiiral na panuntunan ang Korte ­Suprema kaugnay sa pagkakaloob ng pahintulot para sa mabilisang paglilitis sa mga dayuhang nahaharap sa mabigay na kaso, kinatigan kaagad ni Judge ­Gutierrez ang kahilingan.

Sa panayam pa kay Insp. Valdez, sinabi niya na humingi ng payo sa kanya ang tiyahing guro ni Barbie matapos alukin sila ng areglo ng abogado ni Jayson na kanya namang sinabihan na dahil wala na sa kanilang kapangyarihan ang usapin, bahala na ang pamilya kung ano ang kanilang magiging kapasiyahan.

Sinabi umano sa kanya ng guro na noong nabubuhay pa si Barbie, pangarap nitong magkaroon ng P20 milyon upang matupad ang pangarap na makapagpatayo ng malaking bahay sa kanilang lugar sa Mabalacat, Pampanga subalit pinayuhan sila ni Insp. Valdez na hindi kakayanin ng akusado ang ganitong kalaking halaga kung ito ang kanilang hihingin.

Sinabi ni Insp. Valdez na tumagal lamang ng halos anim na buwan ang paglilitis at ilang beses lang siyang dumalo hanggang malaman na lamang niya na naibasura na ang usapin makaraang pumayag ang pamilya ni Barbie ng areglo.

Ayon kay Valdez, hindi maipagpapatuloy ang paglilitis sa kaso kung wala ng interes at umurong na sa demanda ang pamilya ni Barbie kaya’t walang magagawa ang hukom kundi tuluyang ibasura ang kasong murder laban kay Jayson.

Sa pagkakabatid ni Insp. Valdez, pumayag ang pamilya ni Barbie sa inaalok na areglo ni Jayson na hindi bababa sa P3 milyon matapos muli silang magkita kamakailan ng tiyahin ni Barbie nang kumuha ito ng birth certificate sa sangay ng Philippine Statistic Authority (PSA) sa Pasay City.

Sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pag-­TUGIS ng batas, pansamantala lang ‘yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo: Walang krimen na hindi pinagbabayaran.