Magkahalintulad na wakas ng pag-ibig ng dalawang homosexual

Dalawang araw makaraang ilibing si Jennifer, nagpasya nang umuwi sa kanilang bansa sa Germany si Marc upang mapaglabanan ang lumulukob na pangungulila at kalungkutan sa pagpanaw ng pinakamamahal, subalit pini­gilan siyang makaalis ng Bureau of Immigration dahil kailangan pa niyang harapin ang kasong deportation sanhi ng pagiging “undesi­rable alien.”

Gayunman, noong Nobyembre 1, 2014, pinayagan na rin ng Bureau of Immigration si Marc na makaalis ng bansa makaraang tanggapin ang kanyang apela para sa boluntar­yong pag-alis ng bansa bagama’t nangako siya sa pamilya Laude na muling babalik upang dalawin ang puntod ng kanyang minamahal.

Wala namang katiyakan kung muli pang masisilayan ni Marc ang puntod ni Jennifer dahil nakapaloob sa pagpayag ng inihain niyang apela ang hindi na muli pang tutuntong o maka­balik pang muli sa Pili­pinas.

Noong Disyembre 16, 2014, nakakita ng sapat na ebidensya si Olongapo City Assistant Prosecutor’s Emilie Delos Santos na magtuturo kay Pemberton bilang pangunahing akusado sa pagpatay kay Jennifer kaya’t iniakyat ng tagausig ang kasong murder laban sa kanya sa Olongapo Regio­nal Trial Court (RTC) at walang piyansang inirekomenda para sa pansamantalang paglaya.

Napunta ang usapin kay Olongapo RTC Judge Roline Ginez-­Jabalde ng Branch 74 na kaagad nagpalabas ng warrant of arrest laban kay Pemberton kaya’t noong Disyembre, 19, kusang sumuko ang akusado at isinailalim siya sa tamang proseso tulad ng mga ginagawa sa iba pang akusado.

Bago pa man masi­mu­lan ang usapin, ilang mga apela, mosyon at petisyon ang ini­hain ng mga abogado ni Pemberton at maging ng tagausig, kabilang na ang pagnanais ng akusado na maibaba lamang sa homicide ang kaso na may kaukulang piyansa.

Matapos maresolba ang mga apela, petisyon at mosyon, itinakda ang pagbasa ng demanda laban kay Pemberton noong Pebrero 23, 2015 at dahil tumanggi ang akusado na maghain ng “not guilty plea,” ang korte na mismo ang naghain nito para sa kanya.

Noong Marso 23, 2015, sinimulan ng Olongapo RTC ang pag­lilitis sa usapin at dahil isang dayuhan ang akusado, mabilisan ang pagsasagawa ng paglilitis batay na rin sa umiiral na panuntunan sa ilalim ng umiiral na batas bukod pa sa kasunduang nakapaloob sa Visiting For­ces ­Agreement.

Tumayo bilang pribadong abogado ng pamilya Laude si Atty. Harry Roque habang pangunahing abogado naman ng kampo ni Pemberton si Atty. Rowena Garcia Flores.

Sa pagpapatuloy ng paglilitis, iniharap ng tagausig sa korte ang mga ebidensiya at mga testigo, kabilang na ang kaibigan ni Jennifer na si Barbie, ang medico-legal doctor na nagsasagawa ng awtopsiya sa bangkay, mga dayuhang forensic experts, apat na sundalo ng US Marine na kinabibilangan nina Lance Cpl. Jairn Michael Rose, Sgt. Daniel Pulido, Lance Cpl. Bernett Dahl at Cpl. Christopher Miller at iba pa, pati na ang ina ni Jennifer.

Agosto 24, 2015 nang paharapin ng korte sa witness stand ang pangunahing akusadong si Pemberton at inamin niya na nagawa niyang sakalin si Jennifer upang idepensa lamang ang kanyang sarili nang magkaroon sila ng pagtatalo matapos niyang matuklasana na hindi tunay na babae ang biktima.

Sinabi pa niya na ipinasiya niyang dalhin sa banyo ng lodging inn si Jennifer nang mawalan ng malay upang isalba ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbuhos ng tubig.

Nang matapos ang pagharap ng mga testigo sa witness stand, itinakda ng korte ang pagsusumite ng magkabilang kampo ng kani-kanilang memoranda noong Setyembre 17 bagama’t humirit ang depensa na pansamantala munang ibimbin ito hanggang itakda na ni Judge Roline Ginez-Jabalde ang paglalabas ng hatol ng Nobyembre 24.

Muling humirit ang depensa na ibimbin muna ang paglalabas ng hatol laban kay Pemberton dahil hindi makakadalo ang mga abogado ng akusado bunga ng iba pang mga dadaluhang ibang kaso.

Disyembre 1, 2015 nang ibaba ng hukuman ang hatol na “guilty” sa kasong homicide at hindi murder si Pemberton at pinatawan siya ng pagkabilanggo ng mula anim hanggang 12 taong pagkabilanggo at pagbabayad sa pamilya ng napaslang ng halagang $84,862 US dollars na katumbas ng mahigit P4 milyong piso.

Una’y iniutos ng hukom na ikulong sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa si Pemberton subalit nang malaman na may nabuo ng kasunduan sa pagitan ng Department of Foreigh Affairs (DFA) Embahada ng Estados Unidos at Visiting Forces Agreement (VFA) Commission na sa oras na mapatunayang nagkasala ang sundalo na ipipiit siya sa isang pasilidad na itinakda batay sa kasunduan, binawi ng korte ang unang utos.

Nang humirit ng motion for reconsideration ang kampo ni Pemberton sa Mababang Hukuman kaugnay sa ibinabang hatol, ibinasura ito ng korte noong Marso 29, 2016 bagama’t ibinaba na lamang sa 10-taon ang pinakamatagal na panahong gugugulin niya sa loob ng bilangguan.

Abril 18 2016 nang umapela si Pemberton sa Court of Appeals (CA) na baligtarin ang naging hatol ng Mababang Hukuman sa paniwalang nagkamali ang hukom sa pagbaba ng hatol lalu na’t idinepensa lamang niya ang sarili, dignidad at sariling respeto matapos niyang matuklasan na lalaki rin pala na tulad niya si Jennifer.

Abril 10, 2017 nang katigan ng CA ang hatol ng Olongapo RTC at itinaas pa sa tig-P75,000 ang pinababayarang danyos at civil indemnity, maliban pa sa P155,250 na ginastos ng pamilya sa pagpapalibing at pagbabayad sa pamilya ng mahigit P4 na milyong piso.

Bagama’t nabigyan ng katarungan ang ginawang pagpatay kay Jennifer Laude, nanghihinayang pa rin ang iniwan niyang pamilya sa inaasahan sana nilang magandang buhay na haharapin ng biktima kung sakali at nagkaroon kaagad ng katuparan ang pag-iisang dibdib nila ng dayuhang kasintahan.

Batid ng pamilya Laude na tapat ang iniaalok na pag-ibig at pagpapakasal ng German national na si Marc Sueselbeck na dalawang taon din naging kasintahan ni Jennifer, patunay ang ginawang pagbabalik nito sa bansa nang matuklasan ang malagim na sinapit ng biktima.

Ang nangyari kay Jennifer ay halos kahalintulad din ng sinapit ng 23-anyos na homosexual na si Robert William Del Rosario na kilala sa bansag na Barbie Ann at Ashley Ann Reilly na naninirahan sa Velasquez Avenue, Mabalacat City,Pampanga.

Tulad ni Jennifer, nagmahal at minahal din ng isang banyaga si Barbie subalit humantong lamang sa malagim na pamamaslang ang kanilang pag-iibigan matapos magkaroon ng mainitang pagtatalo.

Bago pa man makilala ni Barbie ang Chinese national na si Che Yu Tsai o Jayson Santos Lee, 25, marami na ang humanga sa angking kagandahan ng homosexual na unang nakilala sa pangalang Ashley Ann Reilly na kanyang ginagamit sa paglahok sa mga gay beauty contest.

Dahil sa angking kagandahan, hindi lamang sa kanyang mukha kundi maging sa hubog ng katawan,ilang ulit na ring nagwagi sa mga patimpalak si Ashley, hindi lamang sa kanilang lalawigan sa Pampanga kundi maging sa iba pang panig ng bansa.

Nang mapuna ng marami ang kanyang pagkakahawig sa bantog na manikang si Barbie, pinalitan niya ang kanyang pangalan ng Barbie Ann Reilley hanggang sa ito na ang kanyang ginagamit sa mga sinasalihang gay beauty contest.

Lalu pang nagningning sa daigdig ng lesbian, gay, bisexual, and transgender (LGBT) ang pangalan ni Barbie nang lumahok siya sa sikat na noontime variety show ng GMA na Eat Bulaga sa kanilang programang na Super Sireyna.

Bagama’t nabigong makuha ang korona, marami ang nakapansin sa kanyang angking kagandahan at magandang hubog ng katawan hanggang sa maging trending pa sa social media ang kanyang larawan.

Dahil sa sunod-sunod na tagumpay na inaani ni Barbie sa mga nilalahukang gay beauty contest, malaki ang naitutulong niya sa kanyang pamilya na isa ring katangiang hinangaan sa kanya ng mga kaibigan at komunidad ng LGBT.

Sadyang matulungin si Barbie sa pamilya at laging binabanggit sa ina, kapatid at tiyahin ang pagnanais niyang ipagpatayo ang mga ito ng malaking bahay sa kanilang lalawigan sa Pampanga kasabay ng pangarap na makaipon ng P20 milyong halaga ng salapi.

Mayo ng taong 2016 nang makilala ni Barbie si Che Yu Tsai o Jayson Santos Lee sa isang sangay ng Starbucks sa Makati city at mula noon ay naging masigasig na ang dayuhan sa panliligaw sa bagong kakilala.

Si Jayson ay dumating sa bansa noon lamang buwan ng Abril bilang turista bagama’t hindi na nabatid ng pulisya kung ano ang kanyang negosyo o pinagkakakitaan.

Kinakitaan naman ni Barbie ng kagandahang loob si Jayson hanggang sa mapadalas na ang kanilang pagkikita at kadalasan ay mismong ang homosexual pa ang bumibisita sa tinutuluyang condominium ng dayuhan sa Unit No. 1154 Tower D. Shell Residences, Mall of Asia (MOA) Complex sa Pasay City.

Mayo 7, 2016 nang magpasiya si Barbie na tanggapin ang alok na pag-ibig ni Jayson at sa condominium na rin siya ng dayuhan nanuluyan batay na rin sa maigting na panghihimok sa kanya ng kasintahan.

Batid ni Barbie ang totoong pagmamahal na iniuukol sa kanya ni Jayson lalu na’t ninais pa ng dayuhan na makilala ang kanyang ina at amain, pati na ang iba pa niyang kaanak sa kanilang lalawigan sa Mabalacat upang patunayan na malinis ang kanyang hangarin.

Maging ang mga partidos ni Barbie ay walang pag-aalinlangan sa ipinakikitang pagmamahal ni Jayson lalu na’t naipagkakaloob ng dayuhan ang mga materyal na bagay na kadalasan umanong hinihingi ng kasintahan.

Inakala ng ina, amain at mga kapatid ng homosexual na nakakita na ng tamang pag-ibig si Barbie sa katauhan ni Jayson kaya’t kampante na sila kahit sa condominium pa ng lalaki manirahan ang pambato nila sa mga gay beauty contest.

Gayunman, noong Hunyo 4, 2016, nakatanggap ng tawag si Ariel Tayag, amain at ikalawang asawa ng ina ni Barbie mula kay Insp. Allan Valdez ng Pasay Police Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) na nagtatanong kung may kilala siyang William Del Rosario na nakalagay sa isang resibo ng LBC na nakita sa loob ng condominium ni Jayson.

Kinabahan kaagad ang amain ni Barbie at tinanong kung ano ang nangyari sa anak ng kinakasama kasabay ng paliwanag na homosexual si Del Rosario at kilala sa bansag na Barbie.

Hindi masabi ni Insp Valdez kay Mang Ariel kung ano ang nangyari dahil hindi pa nila napapatunayan ng oras na iyon na kay Barbie nga ang dugong nagkalat sa loob ng silid.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang Pasay police makaraang makatanggap ng tawag sa telepono mula sa pamunuan ng Shell Residences kaugnay sa natuklasan ng kanilang officer-in-charge ang tigmak ng dugo sa loob ng silid na inookupa ni Jayson.
Sinabi ni Insp. Valdez sa TUGIS na nagsasagawa ng routine inspection sa ika-11 palapag ng naturang condominium si Noli Manlolo dakong alas-4 ng madaling araw noong Hunyo 4, 2016 nang mapansin niya na bahagyang naka-awang ang pintuan ng silid na inookupa ni Jayson.

Kinatok ni Manlolo ang pintuan upang ipabatid kay Jayson na naiwan itong bukas subalit nang walang sumasagot sa sunod-sunod niyang pagkatok, ipinasiya niyang pumasok at dito na tumambad sa kanyang paningin ang tigmak ng dugo na palatandaang may nangyaring krimen.

Nang dumating ang mga tauhan ng Pasay police sa pangunguna ni Insp. Valdez, kaagad nilang kinordon ang lugar at walang pinayagang pumasok sa loob ng silid hangga’t hindi dumarating ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).

Hniling din ni Insp. Valdez sa sa pamunuan na masilip at marebisa ang close circuit television (CCTV) camera na nakakabit sa hallway ng condominium upang alamin kung sino-sino ang mga pumasok at lumabas sa silid bago matuklasan ang tigmak ng dugo.

Sa footage ng kuha ng CCTV, nakita si Jayson at Barbie na pumasok ng condominium dakong alas-9:28 ng gabi noong Hunyo 3 at sabay din silang lumabas dakong alas-10:58 ng gabi ring yun.

Dakong alas-11:40 nang muling bumalik ang dalawa na tila may hindi na pagkakaintindihan at makaraan ang mahigit isang oras o dakong alas-12:54 ng madaling araw, nakitang muli si Jayson na mag-isa ng lumabas na may hinihiilang malaking maleta.

Sinabi ni Insp. Valdez sa panayam na sa sobrang bigat ng laman ng maleta, nabali pa ang isang gulong nito kaya’t doon pa lang ay natiyak na niya na katawan ni Barbie ang laman nito.

Dahil sa nakitang kuha ng CCTV, matiyagang inabangan ng kapulisan ang pagbabalik ni Jayson sa condominium lalu na’t hindi pa batid ng dayuhan na natuklasan na nila na may nangyaring krimen dito
Dakong ala-1:15 ng hapon nang mapansin ng mga security personnel ng condominium ang pagdating ni Jayson para bumalik muli sa kanyang silid kaya’t ipinabatid kaagad nila ito kay Insp. Valdez.

Alam ni Insp. Valdez na kapag nakita ni Jayson ang police line na nakalagay sa paligid ng kanyang silid ay tiyak na muli itong aalis kaya’t dito pa lang ay inabangan na niya ang dayuhan upang komprontahin.

Hindi na nakapalag si Jayson nang magpakilala bilang police investigator si Insp. Valdez at sa pamamagitan ng diplomasya at pangakong tulong upang hindi siya masadlak sa piitan, sumang-ayon ang dayuhan na ituro kung saan niya dinala ang bangkay ni Barbie.

Unang sinabi ni Jayson sa pulisya na dinala niya ang bangkay sa bahagi ng Coastal Road sa bahagi ng Las Piñas city subalit pagsapit nila sa Cavite Expressway sa Bacoor, Cavite, dito na nila napansin ang police line at traffic enforcer na nagmamando ng trapiko.

Kaagad na nagsagawa ng pagsisiyasat si Insp. Valdez at sa bibig na rin ng traffic enforcer niya natuklasan na may natagpuang bangkay na nakasilid sa malaking maleta sa lugar. Isang kabataang lalaki na naghahanap ng mapapakinabangan sa gilid ng highway ang nakakita sa ginawang pagtatapon ng maleta ni Jayson na una niyang inakala na mapapakinabangan.

Sinabi ni Insp. Valdez sa TUGIS na sa La Piñas Funeral Homes na niya nakita ang bangkay ni Barbie na nakapaloob pa sa binuksang maleta at dito rin niya natuklasan na hindi pa ganap na babae ang biktima.

Kaagad na tinawagang muli ni Insp. Valdez si Mang Ariel upang ipabatid na ang nangyari sa kanyang step son at mula sa kanilang tirahan sa Mabalacat, Pampanga, nagtungo sa naturang punerarya ang pamilya upang positibong kilalanin ang bangkay ng biktima.

Sinabi pa ni Valdez na dahil nagkatugma-tugma na ang mga ebidensiya laban kay Jayson, mula sa nakuha nilang kuha ng CCTV, pagkakatuklas sa bangkay, ang positibong pagkilala rito ng pamilya pati na ang personal na pag-amin sa kanya ng dayuhan, kaagad niyang inaresto at binasahan ng kanyang karapatan ang suspek.

Ipinagbigay-alam din ni Insp. Valdez sa Embahada ng Tsina ang ginawa nilang pagdakip kay Jayson matapos ang ginawang krimen bilang isa sa umiiral na panuntunan kapag dayuhan ang sangkot sa krimen.

Sa ginawang panayam ng mga mamamahayag kay Jayson sa loob ng detention cell ng Pasay city police Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) inamin niya ang nagawang pagpaslang matapos magdilim aniya ang kanyang paningin nang tangkain siyang saksakin ng biktima.

Nagsimula aniya ang kanilang mainitang pagtatalo matapos humingi sa umano kanya ng P300,000 si Barbie gayung dalawang ulit na siyang nakapagbigay ng pera sa kasintahan isang araw bago mangyari ang kanilang pagtatalo.

Araw aniya ng Huwebes noong Hunyo 2, 2016 nang humingi sa kanya ng P3,000 ang kasintahan at kaagad na sinundan ito ng paghingi ng P4,000 na kanyang pinagbigyan dahil na rin sa labis niyang pagmamahal sa biktima.

Madalas aniyang humingi sa kanya ng pera ang kasintahan kayat nang humirit muli ng napakalaking halaga, tinanggihan na niya dahil wala siyang ganung kalaking halaga na naging dahilan upang magalit sa kanya si Barbie.

Humantong aniya sila sa mainitang pagtatalo at dahil galit na galit sa kanya ang kasintahan, kumuha na ito ng patalim at iwinasiwas sa kanya. Nang tangkain na aniya siyang undayan ng saksak, dito na nagdilim ang kanyang paningin at puwersahang inagaw ang patalim at sinakal ang kasintahan.

Nagsisigaw aniya si Barbie subalit hindi na niya ito naririnig dahil sa sobrang galit kaya’t hindi na rin niya halos namalayan na naundayan na pala niya ng saksak sa leeg ang kasintahan.

Ayon pa kay Jayson, pinagsisisihan niya ng labis ang nagawa niya sa kasintahan na tunay na pinagkalooban niya ng labis na pagmamahal na hindi niya akalaing hahantong lang sa malagim na wakas.

Sinabi naman ni Insp Valdez sa TUGIS na hindi na makapagkakaila pa sa nagawang krimen si Jayson kahit pa nga nagawa niya ang personal na pag-amin sa krimen nang walang kaharap na abogado dahil matibay ang mga ipi-prisinta nilang ebidensiya sa tagausig, kasama na ang kuha niyang video at larawan ng dayuhan habang nakaluhod na humihingi ng patawad sa ina ni Barbie na si Aling Clemencia Del Rosario.

Ilang mga malalapit na kaibigan naman sa LGBT ni Barbie ang nagpahayag na hindi sila naniniwalang pera lang ang dahilan ng pagkakaroon ng matinding away ng magkasintahan dahil batid nila na hindi lang pera ang dahilan nang mahalin ng biktima ang dayuhan.

Matapos makuha ang mga pahayag ng mga testigo, kabilang na ang sinumpaang salaysay ni Noli Manlolo, ang officer-in-charge ng Tower D Shell Residences pati na ang pahayag ng scavenger na nakakita sa ginawang pagtatapon ni Jayson sa bangkay ni Barbie sa gilid ng Cavite Expressway, pati na ang iba pang mga ebidensiya at kuha ng CCTV, isinampa ng pulisya ang kasong murder laban kay Jayson sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Sa pahayag sa TUGIS ni Insp. Valdez, nakakita ng sapat na ebidensiya ang tagausig upang isampa sa korte ang kasong murder laban kay Jayson na walang inirerekomendang piyansa para sa pansamantalag paglaya.

Nang i-raffle ang kaso, bumagsak ito sa sala ni Pasay Regional Trial Court (RTC) Judge Pedro De Leon Gutierrez ng Branch 119.

Humiling kaagad ang abogado ni Jayson ng speedy trial at dahil may umiiral na panuntunan ang Korte Suprema kaugnay sa pagkakaloob ng pahintulot para sa mabilisang paglilitis sa mga dayuhang nahaharap sa mabigay na kaso, kinatigan kaagad ni Judge Gutierrez ang kahilingan.

Sa panayam pa kay Insp. Valdez, sinabi niya na humingi ng payo sa kanya ang tiyahing guro ni Barbie matapos alukin sila ng areglo ng abogado ni Jayson na kanya namang sinabihan na dahil wala na sa kanilang kapangyarihan ang usapin, bahala na ang pamilya kung ano ang kanilang magiging kapasiyahan.

Sinabi umano sa kanya ng guro na noong nabubuhay pa si Barbie, pangarap nitong magkaroon ng P20 milyon upang matupad ang pangarap na makapagpatayo ng malaking bahay sa kanilang lugar sa Mabalacat Pampanga subalit pinayuhan sila ni Insp. Valdez na hindi kakayanin ng akusado ang ganitong kalaking halaga kung ito ang kanilang hihingin.

Sinabi ni Insp. Valdez na tumagal lamang ng halos anim na buwan ang paglilitis at ilang beses lang siyang dumalo hanggang malaman na lamang niya na naibasura na ang usapin makaraang pumayag ang pamilya ni Barbie ng areglo.
Ayon kay Valdez, hindi maipagpapatuloy ang paglilitis sa kaso kung wala ng interes at umurong na sa demanda ang pamilya ni Barbie kaya’t walang magagawa ang hukom kundi tuluyang ibasura ang kasong murder laban kay Jayson.
Sa pagkakabatid ni Insp. Valdez, pumayag ang pamilya ni Barbie sa inaalok na areglo ni Jayson na hindi bababa sa P3 milyon matapos muli silang magkita kamakailan ng tiyahin ni Barbie nang kumuha ito ng birth certificate sa sangay ng Philippine Statistic Authority (PSA) sa Pasay City.

Sa mga kriminal nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran. -30-