Abril 10, 2017 nang katigan ng CA ang hatol ng Olongapo RTC at itinaas pa sa tig-P75,000 ang pinababayarang danyos at civil indemnity, ma­liban pa sa P155,250 na ginastos ng pamilya sa pagpapalibing at pagbabayad sa pamilya ng mahigit P 4 milyong piso.

Bagama’t nabigyan ng katarungan ang ginawang pagpatay kay Jennifer Laude, nanghihinayang pa rin ang iniwan niyang pamilya sa inaasahan sana nilang magandang buhay na haharapin ng biktima kung sakali at nagkaroon kaagad ng katuparan ang pag-iisang dibdib nila ng dayuhang kasintahan.

Batid ng pamilya Laude na tapat ang ini­aalok na pag-ibig at pagpapakasal ng German national na si Marc Sueselbeck na dalawang taon din naging kasintahan ni Jennifer, patunay ang ginawang pagbabalik nito sa bansa nang matuklasan ang malagim na sinapit ng biktima.

Ang nangyari kay Jennifer ay halos kahalintulad din ng sinapit ng 23-anyos na homosexual na si Robert William Del Rosario na kilala sa bansag na Barbie Ann at Ashley Ann Reilly na naninirahan sa Velasquez Avenue, Mabalacat City,Pampanga.

Tulad ni Jennifer, nagmahal at minahal din ng isang banyaga si Barbie subalit humantong lamang sa malagim na pamamaslang ang kanilang pag-iibigan matapos magkaroon ng mainitang pagtatalo.

Bago pa man makilala ni Barbie ang Chinese national na si Che Yu Tsai o Jayson Santos Lee, 25, marami na ang humanga sa angking kagandahan ng homosexual na unang nakilala sa pangalang Ashley Ann Reilly na kanyang ginagamit sa paglahok sa mga gay beauty contest.

Dahil sa angking kagandahan, hindi lamang sa kanyang mukha kundi maging sa hubog ng katawan,ilang ulit na ring nagwagi sa mga patimpalak si Ashley, hindi lamang sa kanilang lalawigan sa Pampanga kundi maging sa iba pang panig ng bansa.

Nang mapuna ng marami ang kanyang pagkakahawig sa bantog na manikang si Barbie, pinalitan niya ang kanyang pangalan ng Barbie Ann Reilley hanggang sa ito na ang kanyang ginagamit sa mga sinasalihang gay beauty contest.

Lalu pang nagningning sa daigdig ng lesbian, gay, bisexual, and transgender (LGBT) ang pangalan ni Barbie nang lumahok siya sa sikat na noontime variety show ng GMA na Eat Bulaga sa kanilang programang na Super Sireyna.

Bagama’t nabigong makuha ang korona, marami ang nakapansin sa kanyang angking kagandahan at magandang hubog ng katawan hanggang sa maging trending pa sa social media ang kanyang larawan.

Dahil sa sunod-sunod na tagumpay na inaani ni Barbie sa mga nilalahukang gay beauty contest, malaki ang naitutulong niya sa kanyang pamilya na isa ring katangiang hinangaan sa kanya ng mga kaibigan at komunidad ng LGBT.