Himalang nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang magkaibigan nang hindi pumutok ang baril na kinalabit ng kanilang kapitbahay sa Malabon City, kahapon nang madaling-araw.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala sina Dennis Noriel, 21 at Joel Vincent Andrade, 19, kapwa ng Brgy. Tonsuya, na sila ay buhay pa.

Ang suspek ay kinilalang si Renaldo Cojo, 21. Nabawi dito ang isang cal. 38.

Sa ulat, bandang alas-dos nang madaling-araw, nagkukwentuhan ang magkaibigan sa kahabaan ng Judge Oreta St., Brgy. Tonsuya Malabon City nang dumaan ang suspek kasama ang dalawa nitong bisita na inihatid nito sa sakayan ng tricycle.

Pagbalik ni Cojo, armado na ito ng baril at kinompronta ang mga biktima kung bakit siya pinag-uusapan nang dumaan ang mga ito.

Pagdaka’y tinutukan ng suspek ng baril sa ulo si Noriel saka kinalabit pero hindi pumutok.

Tumakbo ang mga biktima at si Andrade naman ang binaril ni Cojo. Pumutok ang baril ngunit hindi naman ito tinamaan.

Dumiretso sa Police Community Precinct 8 ang dalawa ngunit tumakas ang suspek ngunit isinuko ito sa pulis ng kanyang magulang. (Orlan Linde)