Ngayong araw, maaaring malinaw na kung sino ang bagong magkukumpas sa Amerika, sino man kina Hillary Clinton o Donald Trump ang pipiliin ng kanilang kababayan, apektado ang galaw ng Pilipinas, hindi dahil palaging minumura ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte ang Amerika kundi dito nakasalalay ang ekonomiya.

Madalas biruan ng mga ekonomista, sampu ng nag­lipanang bangkero sa Makati area, hindi sa laot na inangkin ng China – umutot lamang ang Amerika gagalaw ang buong merkado at estado ng ekonomiya.

Sa madaling salita, hindi lang makapangyarihan ang Amerika, kundi napaka-makapangyarihan dahil nakasandal ang buong mundo sa takbo ng kanilang ekonomiya. Nanatiling Amerika ang may kontrol sa buong mundo, mapa-Pasipiko o Asya – hindi ang China o Russia.

Kahit sa kalawakan, hindi maitatanggi ng buong mundo na Amerika ang naghaharing-uri, kaya nga nakarating sa buwan si Armstrong at iba pang naka-discover sa mga lugar na sa panaginip lamang napupuntahan ng isang nilalang sa panahong hindi pa napag-uusuhan ang makabagong tekonolohiya.

Sa tingin ng ilan, walang epekto sa Pilipinas ang resulta ng eleksyon sa Amerika – ito’y isang pagkakamali na kailangang paghandaan lalo pa’t kaliwa’t-kanan ang banat ni Pangulong Digong kay President Barack Obama na napaka-imposibleng hindi nag­lilista ang Amerika sa kada mura.

Hindi lamang Pilipinas ang may ganitong sitwasyon kundi ilan pang bansang sinisingil ng Amerika sa kampan­ya kontra terorismo, maaaring tayo lamang ang pinag-uusapan sa buong mundo, hindi dahil kalaban ang turing sa atin ng mga Kano kundi sa kakaibang estilo ni Pangulong Digong na siya lamang ang nakagawa nito.

Ika nga ng ilang pantas sa politika, naghihintay lamang ng timing o buwelo ang Amerika kung kailan bibira; maaaring nanahimik sa nagdaang buwan dahil mainit ang eleksyon sa Amerika at makaka-apekto sa boto ng manok ni Obama o kaya’y tinatantiya at pinag-aaralan ang bawat galaw dahil magmumukhang kontrabida lalo pa’t kapamilya ang turing sa Pilipinas.

Sakaling si Trump ang manalo, halos pareho lamang ang pagtitimbang; maaaring may bawas-konti ang inis sa Pilipinas dahil pakiramdam ng mga ito’y hindi lamang si Obama ang naupakan kundi buong ­lahi nila. Paano kung si Clinton ang bagong occupant ng White House, sa malamang ibang usapan.

Sa karakter lamang ni Pangulong Digong na walang kinakatakutan, siguradong hindi yuyuko sa Kano at hindi patatalo sa pagbibigay ng komento, kahit ano pang sikretong pagkilos ng Amerika para mapatalsik ito, ­katulad ng ibinabala ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Parang pusod ang koneksyon ng Amerika at Pilipinas – ito’y magkadugtong na hindi maaaring pag­hiwalayin dahil subok at nahasa ang pagkakaibigan sa maraming pagsubok, mapa-kalamidad o gulo na palaging umaaksyon. Kaya’t napaka-imposible ring kakalimutan ng Kano ang samahang ito. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

(Twitter: follow @dspyrey)